News @Balitang Probinsiya | June 13, 2024
LEYTE -- Isang local official ang namatay nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Cabungahan, Villaba sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Marcelino Combate, 52, municipal agriculturist at nakatira sa bayan ng Leyte.
Ayon sa ulat, lulan ng kanyang motorsiklo si Combate nang sumulpot ang mga suspek at agad pinagbabaril ang biktima.
Agad dinala ng mga residente ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang mga suspek.
RIDER, SUGATAN SA KOTSE
QUEZON -- Isang rider ang sugatan nang mabangga ng isang kotse ang kinalululanan nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Talisay, Tiaong sa lalawigang ito.
Ang biktima ay nakilalang si Aldwin Aguilar, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Poblacion sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ng kotse si Glenn Dolor, nasa hustong gulang, kaya nabangga ang motorsiklong kinalululanan ng biktima.
Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima at sa ngayon ay ginagamot na siya sa ospital.
Napag-alaman na sinampahan na ng mga otoridad si Dolor ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury and damage to property.
2 DRUG DEALER, TIMBOG
ILOILO -- Dalawang drug dealer ang nadakip sa drug-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Balabag, Pavia sa lalawigang ito.
Itinago na muna sa mga alyas na “Rodniel” at “Jomari” ang mga suspek, kapwa nasa hustong gulang, habang iniimbestigahan sila ng mga otoridad.
Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek sa drug-bust operation ng mga otoridad sa naturang lugar.
Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng 80 gramo ng hinihinalang shabu at marked money sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
9 BAHAY, NASUNOG
BACOLOD CITY -- Siyam na bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Purok Malinong, Brgy. Tangub sa lungsod na ito.
Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng pamilya Lorimas na residente sa naturang lugar.
Ayon sa ulat, nakita na lamang ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa bahay ng mga Lorimas at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang walo pang kabahayan sa naturang lugar.
Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa siyam na tirahan na nasunog sa nabanggit na barangay.
Comments