top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Live-in partner na laging kaaway, makakahiwalay kung ‘di magpapakumbaba

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 26, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 26, 2020



Dear Maestro,


Compatible ba kami ng partner ko? Madalas kasi kaming mag-away na humahantong sa sakitan, pero kapag nagkabati na kami, ang sweet-sweet na ulit namin. Kaya lang, masyado nang naaapektuhan ang mga magulang ko sa nangyayari. Natatakot silang baka may matuluyan sa amin dahil barumbado ang partner ko, kumbaga, kahit ano ang mahawakan ay pinupukol talaga niya at walang preno ‘pag nagalit.


May pag-asa pa bang magbago siya at lumigaya ang aming pagsasama? May isa na kaming anak, pero hindi kami kasal kaya ayaw ko nang masundan dahil baka maghiwalay din kami.


Ano ang nababasa n’yo sa aming kapalaran, maghihiwalay ba kami? October 17, 1982 ang birthday ng partner ko at September 1, 1986 naman ako.

Umaasa,

Ms. Virgo ng San Bartolome, Novaliches, Quezon City

Dear Ms. Virgo,


Minsan, kaya nagiging mainitin ang ulo ng isang tao, laging galit at parang laging kunsumido at aburido sa buhay ay dahil kulang sa tulog o multivitamin, lalo na ng Vitamin B complex at kadalasan, kulang sila sa pakikipagtalik o pampagana. ‘Ika nga ng isang commercial, “Para kanino ka bumabangon?” At mas madalas din, mainitin ang ulo ng taong walang kapera-pera o paubos na ang pera sa bulsa.


Tingnan mo, kapag nakumpleto na ang masarap na tulog n’yong mag-partner at nakapag-take kayo ng multivitamin, bihira na iinit ang ulo n’yo at mas magiging masaya at masarap na ang relasyon, lalo na kung lagi kayong may pera sa bulsa. Pero siyempre, bago uminom ng anumang uri ng vitamins, dapat na kumonsulta muna kayo sa doktor.


Samantala, kung wala munang mga payo tungkol sa kalusugan, sa halip ay purong Numerology ang pag-uusapan, ang isa pang katotohanan ay ganito: Pareho kayong nagtataglay ng “strong number” kaya ganu’n na lang kayo kung mag-away.


Ang birth date mong 1 na super-strong at birth date 17 o 8 (1+7=8) ng partner mo na isa ring super-strong na number ang talagang nagiging dahilan kaya kapwa kayo ma-ego kung saan ayaw n’yong magpapatalo o magpapakumbaba sa isa’t isa.


Sa sandaling walang nagpakabait o nagpakumbaba sa inyong dalawa, ang ganyang relasyon ay maaaring humantong sa pagkawasak ang inyong pamilya.


Kaya kung mahal mo ang kaisa-isa mong anak, ikaw na ang magpasensiya at magpakumbaba sa pamamagitan ng pagtanggal ng iyong ego at pride. Kapag hindi mo kasi gagawin ‘yan, ang Virgo at Libra ay hindi rin compatible, humigit-kumulang sa bandang huli ay maaaring maghiwalay din kayo.


Minsan nagtatagal, umuunlad at nagiging maligaya ang pagsasama ng dalawang strong number lalo na ng 8 at 1, sa panahong nagpakumbaba ang 1, kaya itong 8 ang nagiging dahilan upang ang kanilang pamilya ay yumaman.


Ganundin ang madalas mangyari sa dalawang Taong Uno—may isang nagpapakumbaba, kaya yumayaman ang ganu’ng pamilya. Gayundin sa dalawang strong number na 8 at 9, may nagpapakumbaba kaya sila umuunlad at lumiligaya.


Sa mas klarong paliwanag, kailangang may magpaka-weak sa inyong dalawa at ikaw ‘yun dahil ikaw ang mas nakauunawa upang manatili ang inyong samahan at maka-survive ang inyong pamilya. Kung hindi mo ito magagawa, better luck next time sa muli mong pag-aasawa.


Sa muling pag-aasawa, huwag ka nang pipili ng hindi mo ka-compatible para hindi ka na mapaaway nang husto at para wala ka na ring problemahin.


Dapat ay kumuha ka ng may weak number na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 5, 14, at 23, sa zodiac sign na Taurus, Capricorn, Pisces, Gemini o kapwa mo Virgo. Sa piling ng may nasabing weak number, magiging maligaya ka na dahil siya ang tanging tao na magpapa-alipin at pikit-matang magtitiis at susunod sa iyong mga kagustuhan, kaya habambuhay ka nang magiging maligaya sa piling niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page