Libreng sakay, uubra pa kaya?
@Editorial | June 28, 2022
Sa nalalapit na pagtatapos ng libreng sakay sa tren, nanawagan na ang mga mananakay na sana ay magtuluy-tuloy pa rin ito.
Malaki nga namang katipiran ito sa gitna ng kaliwa’t kanang taas-presyo. ‘Yung pamasahe sa tren, puwedeng ipunin o ilaan sa ibang gastusin.
Maaaring barya sa iba pero sa karamihan, ito ay katumbas na ng pagkain.
Matatandaang Marso 28 nang umarangkada ang programa, kung saan umakyat na sa 380,000 ang sumasakay mula sa 250,000 passengers.
Gayunman, bilang tugon sa hirit ng mga pasahero na ituloy ang libreng sakay, sinabi ng pamunuan ng MRT na hanggang katapusan na lang ito ng Hunyo. Nasa P450 milyon na umano ang nawalang kita nila nang simulan ang programa.
Nawalan din umano ng kita ang mga tsuper ng jeep, na nasabay pa ng taas ng presyo ng petrolyo kaya halos wala na silang kitain.
Samantala, hanggang Hulyo 30 naman ang libreng sakay sa EDSA bus carousel, bagay na malaking tulong din.
Batid natin ang kaginhawaan at katipirang ng libreng sakay subalit kailangan ding pag-aralan ang ibang usapin na kaugnay nito. Dapat din nating maunawaan at tanggapin kung hindi na ito uubra. At umasa na may iba pang paraan na maiisip ang gobyerno bilang tulong.



Comments