LETTER TO THE EDITOR: Ambulance naipit sa trapik, buhay nanganib sa kalsada sa Valenzuela, dapat aksyon agad!
- BULGAR

- Aug 27
- 1 min read
by Info @Letter To The Editor | August 27, 2026

Dear Editor,
Magandang araw po!
Nais kong ipabatid ang aming pangamba at pagkadismaya sa matinding trapiko sa bahagi ng Marulas, Valenzuela.
Kamakailan lamang, kapansin-pansin ang sobrang bigat ng daloy ng trapiko, kung saan maging isang ambulance ay naipit at kinailangang alisin ang road barrier upang ito ay makadaan. Nakakalungkot isipin na sa isang emergency, maaari pang maantala ang pagdating ng isang pasyente sa ospital dahil sa sikip ng kalsada.
Sana po ay nasa maayos na kalagayan ang pasyente o sinumang sakay ng ambulance at naihatid agad sa ospital.
Naiintindihan naman po namin na kailangang ayusin at i-rehabilitate ang mga kalsada. Ngunit sana ay mapag-aralan din kung paano maisasaayos ang daloy ng trapiko habang isinasagawa ang mga proyekto.
Sa kasalukuyan, sabay-sabay na tila ginagawa ang ilang kalsada, pati ang mga karaniwang shortcut na sana ay alternatibong daanan ng mga motorista.
Dagdag-pahirap din po ito sa mga estudyante, empleyado at commuters, lalo na ngayong kasabay ng pasok ng mga estudyante ang mabigat na daloy ng trapiko.
Hindi naman po namin hinihiling na ihinto ang mga roadworks. Ang nais lamang po namin ay mas maayos na koordinasyon, malinaw na rerouting at sapat na daanan para sa mga sasakyan, lalo na para sa mga emergency vehicle.
Sana po ay mabigyan ng agarang pansin ang sitwasyong ito upang hindi na maulit na pati mga ambulance ay maipit sa trapiko. Ang ilang minutong pagkaantala ay maaaring maging napakahalaga para sa isang taong nangangailangan ng agarang lunas.
Maraming salamat po at umaasa kaming maririnig ang panawagan ng mga Valenzuelano.
Lubos na gumagalang,
Concerned Commuter





Comments