Lasenggong kakambal, puro perhuwisyo at kahihiyan ang dala
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 24, 2022
Dear Sister Isabel,
Binabati ko kayo ng mapagpalang araw. Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa kakambal kong lalaki. Matalino siya, pogi, mabait at palabati, kaya lang, sobrang lasenggo niya, pero napakabait naman ‘pag hindi lasing. Pero ‘pag nalasing ay nagwawala talaga siya at walang makaawat. Taong simbahan ako, kaya hiyang-hiya ako sa mga kasamahan ko sa simbahan ‘pag nagagawi siya roon.
May sarili akong bahay dahil may asawa na ako at hindi ko siya pinagbubuksan ‘pag kumakatok sa bahay ko dahil baka awayin niya ako at nakakahiya sa aking asawa.
Halos ikahiya na siya ng buong pamilya namin dahil ‘pag nakainom at nalasing ay matutulog siya sa tabi-tabi at kahit sa bangketa ay ganu’n siya.
Minsan ay hinampas siya ng silya ng hipag ko. Muntik na siyang mapilay at mabalian ng buto, buti na lang, hindi siya gumanti. Ano ang dapat naming gawin? Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Laura ng Cebu
Sa iyo, Laura,
Kulang sa pansin ang kakambal mo. Hindi siya makadama ng pagmamahal o pagmamalasakit sa inyong pamilya niya. Kaya ang ending, idinadaan na lang niya sa pag-inom ng alak. Bilang kakambal niya, kapag hindi siya nakainom, ipadama mo na parte pa rin siya ng pamilya n’yo.
Ang sabi mo ay mabait naman siya ‘pag hindi lasing, kaya samantalahin mo na hindi siya lasing at magkuwentuhan kayo. Ipadama mo na hindi siya nag-iisa at may kakambal siya na handang dumamay at makinig sa mga hinaing niya para hindi niya maramdaman na hindi siya belong sa pamilya.
Sa ganyang paraan, titino na siya, hindi na rin masyadong iinom at mahihiya na sa inyo.
Hindi niya na rin kayo bibigyan ng kahihiyan. Pagmamahal ng kapatid o magulang ang hanap ng kakambal mo at ‘pag nadama niya ‘yan, lalo siyang babait kaysa sa dati.
Lalabas ang tunay niyang ugali na sabi mo nga ay mabait, palabiro at palabati. Isama n’yo rin siya kapag nagba-bonding kayo ng pamilya mo para hindi siya malungkot kapag nag-iisa.
Kung wala pa ring pagbabago kahit ginawa mo na ang payo ko, ipa-rehab n’yo na upang mapatino siya at tuluyang magbago.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments