Lakas-paggawa, magbabangon sa ekonomiyang pinabagsak ng pandemya
@Editorial | September 21, 2022
Grabe ang pinsalang idinulot ng pandemya. Napabagsak nito ang ekonomiya ng mga bansa at inilagay sa alanganin ang buhay ng bawat mamamayan.
At ngayong nasa panahon na ng pagbawi sa mga nawala, kakailanganin ang puwersang magbabangon sa kabuhayan, at ito ay manggagaling sa mga manggagawa.
At ngayon pa lang, dapat nang ihanda ang mga susunod na magsisilbing "greatest asset" ng ating bansa, ang kabataan.
Ayon nga kay Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., isa sa maituturing na “greatest asset” ng ating bansa sa matatag na ekonomiya ay ang mismong “workforce". Kabilang sa kanila ang ating mga kapwa Pinoy na nagtatrabaho abroad.
Bago pa maging ganap na kabahagi ng lakas-paggawa, dapat pagsikapan muna ng gobyerno ang pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon lalo na sa aspetong teknikal.
Ang talino at galing ng kabataan ang magbubukas pa ng mas malaking oportunidad para sa mas mabilis na pag-unlad.
Sa ngayon, ang Pilipinas umano ang itinuturing na “youngest country in Asia” at dahil dito, kaya’t kailangang ipagpatuloy ang paggabay sa kabataan, sanayin, upang maging palaban maging sa ibang mga bansa.
Kasabay ng ating pagkilala at pasasalamat sa mga kasalukuyang manggagawa, naniniwala tayo na sila rin ang magpapasa ng puwersa sa mga kabataan para sa patuloy na pag-unlad ng bayan.



Comments