Lahat sapol sa oil price hike
- BULGAR

- Jun 19, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | June 19, 2025

Sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa tumitinding sigalot ng Iran at Israel, muling nayanig ang pandaigdigang presyo ng langis.
Gaya ng dati, ang epekto nito ay ramdam na ramdam sa mga karaniwang Pilipino — lalo na sa sektor ng transportasyon.
Isa sa mga unang hakbang, ang hiling ng mga tsuper ng jeep para sa pisong dagdag-pasahe.
Ngunit ang tanong, makatarungan ba ang dagdag na piso sa pasahe?
Para sa mga tsuper, ito’y isang pangangailangan. Tumataas ang presyo ng diesel, at kasama nito ang mga maintenance cost at araw-araw na gastusin. Para sa kanila, ang dagdag-pasahe ay hindi luho kundi pantawid-buhay.
Ngunit para sa mga pasahero — lalo na ang mga minimum wage earner, estudyante, at mga manggagawa sa informal sector — ang bawat pisong pagtaas ay dagdag na pabigat sa araw-araw na pamumuhay.
Kaya’t nararapat ang masusing pag-aaral ng gobyerno. Dapat timbangin ang pangangailangan ng mga tsuper at ang kapasidad ng mga pasahero.
Maaari bang magpatupad ng pansamantalang fuel subsidy sa mga driver habang hindi pa bumababa ang presyo ng langis?
Maaari bang palakasin ang alternatibong transportasyon o magkaroon ng dagdag na diskuwento para sa mga estudyante at senior citizens?
Sa huli, ang responsibilidad ng pamahalaan ay tiyaking hindi lamang ang ekonomiya ang umiikot, kundi ang bawat Pilipino ay dapat may kakayahan ding sumabay dito.






Comments