top of page
Gary V. - IG.jpg

“Kulam”

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 27, 2023
2 min read

ni Lucifera @Lagim | October 27, 2023


Waging-wagi ang pakiramdam ni Sylvia nang umalis si Marife. Buong akala niya ay mahihirapan siyang itaboy ito pero hindi pala, at para bang nagtaboy lang siya ng langaw na gustong dumapo sa pagkain.


Iba talaga kapag matagal mo nang napapaikot ang mga taong nasa paligid mo. Ang akala ng mga ito ay mabuting tao ako. Sa katunayan, kinamumuhian ko ang may-ari ng kumpanyang ito, kaya kailangan ko nang idamay ang kanyang mga tauhan.


Ang kinatitirikan ng kumpanyang ito, ay dating squatter area na kung saan dito nakatira si Sylvia. Kailangan na nilang umalis dahil gagamitin na umano ito. Ipinaglaban ng mga magulang niya ang kanilang tinitirhan pero pinatay ng mga demonyong nagpapanggap na tao ang kanyang magulang. Tiyak niyang ang may kagagawan nu’n ay ang may-ari ng kumpanya, pero siyempre pagtatakpan at palalabasin nilang hindi ito sinasadya.


Ngayong nagkaroon siya ng pagkakataon, lahat ng klase ng paghihiganti ay gagawin niya pero sa ngayon, kailangan muna niyang itaboy ang suwerte na maaaring makapagligtas sa lahat, at ‘yun ay walang iba kundi si Marife.


Unang pasok pa lamang nito sa kumpanya ay damang-dama niya na ang panganib. Kung si Slyvia kasi ay itim na mangkukulam, si Marife naman ay isang puting mangkukulam, at may kakayahan siyang makapanggamot.


‘Yun ang dahilan kaya ipinagkakalat niya na may kakayahan itong makapagbigay ng kamalasan dahil kung magtatagal pa ang presensya nito ay hindi na niya magagawa pang makapaghiganti.


Maaari kasing tuluyang maialis ni Marife ang lahat ng lasong itinanim niya sa puso’t isipan ng mga tao, at magtatagumpay lamang siya kung mapapaniwala niya ang mga ito na masamang nilalang si Marife.


Ngunit, malaking pagkakamali rin para kay Sylvia na hayaang lumabas ng kumpanya si Marife.


Sa halip kasing makaramdam si Marife ng matinding galit. Matapos niyang sabihin ang mga katagang, “Huwag n’yo sanang pagsisihan ang pantataboy na ginagawa n’yo sa akin,” sinabi ni Marife na, “Iligtas mo sila sa kasamaan. Tanggalin mo ang galit na nakabalot sa kanilang puso’t isipan.”




Wakas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page