Kulam
ni Lucifera @Lagim | October 25, 2023
Palipad hangin. Ito ang nangyayari kapag nagagalit ang taong may kapangyarihang itim.
Kumunot ang noo ni Marife dahil umakto ng ganu’n si Sylvia, gayung wala naman itong ibang nakausap kundi siya lamang. At tiyak niyang hindi siya ang nagbigay ng sakit na maaaring makuha sa palipad hangin.
May kakayahan nga siyang makapanumpa kung gugustuhin niya pero nu’ng araw na ‘yun ay talagang kinontrol niya nang husto ang kanyang damdamin kaya’t imposible na naisumpa niya ito.
Saka, wala naman itong malalang nagawa sa kanya, maliban na lamang sa pangungulit nito.
“Hanggang ngayon ay masama pa rin ang katawan ko,” wika ni Sylvia na parang lambot na lambot.
“Baka naman kasi may nakain ka lang,” sambit naman ng isa nilang kaopisina.
“Kahit kumain ako nang kumain, hindi ako makakaramdam ng ganito. Para kasing mayroong nagalit sa akin, kaya ibig niya akong parusahan. Sa palagay ko, may kasamahan tayo rito na isang mangkukulam.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Sylvia. Hindi siya maaaring magkamali, para bang gusto nitong ipahiwatig na siya ay isang masamang nilalang, at alam niyang siya ang pinariringgan ni Sylvia.
Gusto niyang magsalita, at sabihing mali ito at huwag na siyang gawan pa ng kuwento.
Pero, wala namang mangyayari kapag nagsalita siya, at baka mas lalo lang siyang pag-initan nito.
“Magtigil ka nga r’yan, Sylvia! Umaarangkada na naman ang pagiging tsismosa mo.” Wika naman ng isa rin nilang kaopisina. Annie umano ang pangalan nito.
“Ako na nga itong nagkasakit, tapos ako pa itong masama?” hindi makapaniwalang sabi ni Sylvia.
Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin kay Annie. “Dapat siguro mangyari rin sa iyo ang naranasan ko bago mo ako paniwalaan!” Buwisit nitong sabi.
At kinabukasan, habang pauwi si Annie ay naaksidente ito. Dahil du’n, naging masama na ang tingin ng iba sa kanya. Mula raw kasi nang pumasok siya sa kumpanyang ‘yun ay kung anu-ano’ng kamalasan na ang nangyari.
Itutuloy…




Comments