'Kristo' ng sabungan timbog sa drug-bust
@Balitang Probinsiya | Enero 31, 2023
AKLAN — Isang "kristo" sa sabungan ang nadakip sa isinagawang drug-bust operation ng mga awtoridad, kamakalawa sa loob ng isang sabungan sa Bgy. Mandong, Batan sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Joniel Bautista, 42-anyos, nakatira sa Bgy. Odiong, Altavas sa nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat, nagpanggap na buyer ng shabu ang mga operatiba, at nang pagbentahan sila ng droga ng suspek, dito na agad dinakip ang drug pusher.
Nabatid na nakakumpiska ang mga awtoridad ng dalawang pakete ng shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Hindi naman nanlaban ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



Comments