Korupsiyon ang pumapatay, ‘di bagyo
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | November 7, 2025

Sa pananalasa ng Bagyong Tino, nalantad na naman ang katotohanang hindi bagyo ang tunay na pumapatay sa ating mga kababayan, kundi kapabayaan at korupsiyon.
Habang dumadaing ang mga biktima at nagluluksa ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga dokumento naman ang tiyak na maglulutangan — mga ghost at substandard flood control projects na ginastusan ng bilyones.
Nakalaan ang pondo para sa mga proyektong magbibigay-proteksyon sa mga komunidad. Ngunit bakit tuwing may bagyo ay lagi tayong nalulunod sa parehong trahedya?
Ang sagot ay malinaw: dahil may mga opisyal na ginawang negosyo ang kaligtasan ng taumbayan. Ang pondo para sa mga dike, kanal, at pumping station ay nilustay, at ang mga proyektong dapat ay nagligtas ng buhay ay nanatiling plano sa papel.
Hindi sapat ang pakikiramay at pangakong imbestigasyon. Kailangang may managot. Ang mga sangkot sa mga palpak at ghost flood control projects ay dapat sampahan ng kaso at mabulok sa kulungan.
Hindi na dapat maging normal ang paglubog sa baha at pagluha sa trahedya. Ang mga mamamayan ay may karapatang humingi ng hustisya.
Ngayon ang panahon para ipakita ng pamahalaan na seryoso ito kontra-korupsiyon.





Comments