Kapatid na gahaman, sino-solo ang lupang ipinamana ng magulang
- BULGAR
- Oct 4, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 04, 2023
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko ay tungkol sa kapatid ko na gahaman. May kani-kanya na kaming titulo at area sa bakuran. Ngunit, hinaharangan at binabakuran niya pa rin ang space na para sa akin, hindi tuloy ako makadaan sa pinto namin dahil sa kanya, nang sitahin ko siya ay mas lalo siyang nagalit.
Kung gusto ko umano, sa akin na lahat ‘yung balkonahe namin. Pero, patuloy niya pa rin itong hinaharangan. Hindi ko na lang siya pinapatulan tutal wala pa naman akong pera noon pampagawa ng bahay. Pero ngayon, balak ko na itong ipagawa. Kaya lang, nag-aalangan akong kausapin siya tungkol dito.
Galing ito sa magulang namin at pinamana nila ito para sa amin. Ano kaya ang mabuti kong gawin para hindi magwala ang kapatid ko pagkinausap ko na siya tungkol du’n?
Nawa’y matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Lorry Ann ng Pampanga
Sa iyo, Lorry Ann,
Lumapit ka sa iba mo pang kapatid na ginagalang niya. Sa palagay ko naman ay mauunawaan niya na hindi sa kanya ‘yung space na inaangkin niya. Ikaw ang may karapatan du’n. Walang bagay na ‘di nagtatagumpay kung dadaanin sa magandang usapan. Pareho lang sigurong mainit ang ulo n’yo noon, kaya kayo nagtalo at nagkasamaan ng loob.
Sa tingin ko naman ay ibibigay niya na sa iyo ang balkonahe mo, at tatanggalin na ang harang na inilagay niya. Pakikinggan niya rin ang kapatid n’yo na iginagalang niya.
Hayaan mo na ang kapatid mong nakakatanda ang kumausap sa kanya.
Sumaiyo nawa ang patnubay ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Magkasundu-sundo nawa kayo at huwag n’yong hayaang masira ang samahan n’yo dahil lang sa maliit na mana.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo








Comments