@Editorial | May 27, 2024
Sa kabila ng pagsigla ng ekonomiya matapos ang pandemya, malaking hamon naman ngayon sa sektor ng turismo ang kakulangan ng mga manggagawa.
Napag-alaman na karamihan sa mga nasa hospitality and tourism sector ay nahihirapang mapanatili ang kanilang mga manggagawa. Karamihan umano sa mga empleyado ay nag-a-abroad dahil sa malaking pasahod. Lalo pa’t maraming bansa ang mas pinipili nila ang mga manggagawang Pinoy dahil sa kakaibang sipag at pagmamalasakit sa trabaho.
Sa ngayon, gumagawa na umano ng programa para mahikayat ang mga manggagawa na manatili at ‘di na magtrabaho pa sa ibang bansa.
Masasabing “unsung heroes” ang mga manggagawa sa industriya ng turismo. Malaki ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng ating bansa.Dahil sa kanila, naging mas mabilis ang pagbangon ng ekonomiya sa muling pagbubukas ng turismo.
Marahil, hindi batid ng iba na noong magsara ang operasyon ng turismo dahil sa COVID-19 pandemic, libu-libong tourism workers ang sumalang bilang “frontliners” noong ipatupad ang community quarantine. Sila ang umalalay sa daan-daang libong overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang kababayan na umuwi galing abroad.
Kaya marapat lamang na laging balikan ang kanilang kabayanihan at bigyang-pansin ang patuloy nilang pagseserbisyo sa pamamagitan ng pagsusulong sa kanilang mga karapatan, kapakanan at interes.
Tulad ng mga health workers, hindi naman siguro sila mapipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa na malayo sa pamilya kung sapat ang kanilang kita at naibibigay ang mga benepisyong nararapat para sa kanila.
Sana, huwag balewalain ng kinauukulan ang usaping ito. ‘Wag naman sanang dumating ang pagkakataon na nag-alisan na ang mga manggagawa at tuluyan nang bumagsak ang turismo.
Comments