BF na puro pramis kay girl, makakatuluyan dahil sa iisang Marriage Line
- BULGAR

- Feb 1, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| February 1, 2021

KATANUNGAN
Ang gara ng boyfriend ko dahil noong hindi niya pa ako nagagalaw ay mahal na mahal niya raw ako. Hindi niya raw ako iiwanan at pakakasalan niya ako, pero ngayon, kahit pasahan ko siya ng load ay hindi man lang siya nagte-text sa akin. Hindi na ba niya ako mahal?
Kasalukuyang nagtatrabaho ang boyfriend ko at siya ay supervisor sa company ng plastic at nasa sales department siya, kaya madalas siyang madestino kung saan-saang lugar. Kapag bumabalik siya sa Maynila, saka ko lang siya nakakausap at ang dahilan kaya hindi siya naka-reply sa mga text ko ay dahil out of the coverage area raw siya palagi.
Pero alam mo, Maestro, sa totoo lang ay nayayamot na ako sa ganitong sitwasyon namin. Ano ang dapat kong gawin, dapat na ba akong makipag-break sa kanya kahit siya ang nakauna sa aking pagkababae?
Ano ang nakaguhit sa palad ko, kami na ba ang magkakatuluyan o mas mainam na makipag-break na lang ako at humanap ng ibang lalaking magpapahalaga, seseryoso at magmamahal sa akin?
KASAGUTAN
Tandaang kaya nakikipag-boyfriend o girlfriend ang isang tao ay para mawala ang pangungulila, para sumaya, may makausap at may makaramay sa mga problema. In short, para lumigaya. Kaya kung imbes na saya ay lungkot ang nangyayari sa pakikipag-boyfriend mo at siya pa ang nagiging dahilan ng iyong problema, tama lang kung didispatsahin mo na siya at humanap ka ng ibang lalaking totoong magpapaligaya sa iyo.
Marahil, tama lang na makipag-break ka sa kasalukuyan mong boyfriend, upang minsan pa, sa sandaling nawala ka sa buhay niya at nagkataong mahal ka pala talaga niya, sa puntong ‘yun ay maramdaman man lang niya ang tunay mong halaga sa kanyang buhay.
Kaya lang, ang problema ay ganito ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad —hindi na kayo maghihiwalay ng boyfriend mo. Ito nga at wala nang iba pang nais ihayag ng maganda at matatag na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na sinuportahan din ng maayos at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na sa sandaling muli kayong nagkausap nang seryoso at puso sa puso, tiyak ang magaganap. Hindi matatapos ang buwang ito ng Pebrero o bago sumapit ang Araw ng mga Puso, walang duda na muli kayong magkakasundo at magiging maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Kat, sa sandaling naramdaman ng iyong boyfriend na nayayamot at naiinis ka na sa kanya at balak mo nang makipag-break, kusa siyang hihingi sa iyo ng paumanhin at isa pang pabor upang magkausap kayong dalawa.
Sa inyong masinsinang pag-uusap, isa lang ang inyong mapagkakasunduan at ito ay ang pasiglahing muli at pag-ibayuhin pang lalo ang inyong relasyon. At sa bandang huli, sa ayaw at sa gusto n’yo, ang takdang kapalaran pa rin ang matutupad at masusunod kung saan kayo na nga ang magkakatuluyan at masasama sa pagbuo ng isang maunlad at masayang pamilya habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).




Comments