Kahulugan ng bundok at sariwang mushroom
- BULGAR
- Jul 18, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | July 18, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Robin ng Laguna
Dear Maestra,
Magandang buhay sa inyo r'yan. Nawa'y ligtas kayo sa anumang kapahamakan.
Tagasubaybay ako ng column n'yo at ito ang unang-una kong binabasa kapag bumibili ako ng dyaryo.
Napanaginipan ko na nasa itaas ako ng bundok. Ang ganda ng kapaligiran. May mulberry trees at hitik na hitik ang bunga nito. May nakita rin akong mushrooms na sariwang-sariwa.
Namitas daw ako, at napatingin ako sa kalangitan,ang ganda ng mga ulap sa kalawakan.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Robin
Sa iyo, Robin,
Napakaganda ng ibig ipahiwatig ng panaginip mo. Ang nasa itaas ka ng bundok, maganda ang paligid ay nangangahulugang marami kang mga kaibigan na maaasahan sa sandali ng kagipitan. Hindi sila mapagkunwari, bagkus masaya silang kasama.
Ang mulberry trees na hitik na hitik sa bunga ay nagpapahiwatig ng kasaganaan, karangalan at maligayang kasalan. Malapit ka ng magpakasal sa napupusuan mo.
Samantala, ang may nakita kang mushrooms, sariwang-sariwa, at namitas ka nito ay sign ng kayamanan. Malapit ka ng yumaman. Lalago na ang iyong kabuhayan.
Ang pagtingin mo sa kalangitan, ang ganda ganda ng ulap sa kalawakan ay nangangahulugan ng kaligayahan at pagiging kuntento sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna.




Comments