top of page

Kahulugan ng bago at iba’t ibang suot na damit

  • BULGAR
  • Jun 21, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 21, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Cecille ng Tarlac.


Dear Maestra,


Magandang araw sa inyo. Nawa’y patnubayan kayo ng Maykapal sa pangaraw-araw n’yong pamumuhay.


Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko tungkol sa mga damit o kasuotan. Napanaginipan ko na araw-araw ay bago ang damit na isinusuot ko, pero ‘yung bunso kong anak ay sira-sira at mukhang basahan ang palaging suot. ‘Yung panganay naman ay abalang-abala sa pananahi ng mga damit at halos walang pahinga. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,


Cecille


Sa iyo, Cecille,


Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na araw-araw ay bago ang suot mong damit. Ito ay nangangahulugan na hindi ka pa makakaahon sa kahirapan. Marami pang pagtitiis ang daranasin mo, subalit huwag kang mabahala dahil ang panaginip mo na sira-sira at parang basahan ang suot ng bunso mong anak ay nagpapahiwatig na balang-araw, yayaman ka at makakaahon sa hirap dahil sa bunso mong anak. Siya ay susuwertehin sa buhay kung saan siya ay makatatagpo ng magandang trabaho na may malaking suweldo. Tungkol naman sa panganay mong anak na ayon sa panaginip mo ay walang tigil sa pananahi at halos walang pahinga, ang ibig sabihin nito ay madadagdagan pa ang anak niya. Mabubuntis siya nang hindi inaasahan at magkakaanak nang labag sa kanyang kalooban.


Matapat na sumasaiyo,


Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page