top of page

Kahit Libra at Taurus… Alok na kasal ng bf, dapat tanggapin dahil ka-compatible pa rin

  • BULGAR
  • Apr 25, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 25, 2022


Dear Maestro,


May boyfriend ako, compatible ba kami at kami na ba ang magkakatuluyan? Sa pagkakaalam ko kasi, hindi compatible ang Taurus at Libra dahil October 16, 1999 ang birthday ko, habang April 29, 1998 naman ang boyfriend ko.


Gusto niya nang mapagkasal sa 2023, pero nagdadalawang-isip pa ako dahil kung hindi kami compatible, baka hindi rin maging maligaya at successful ang itatayo naming pamilya. Sana ay mapayuhan n’yo ako bago ako kulitin ng boyfriend kong magpakasal.



Umaasa,

Jasmine ng Viente Reales, Valenzuela City


Dear Jasmine,


Mali ang iniisip mo na hindi compatible ang Libra at Taurus. Bagama’t sa unang batas o teorya ng compatibility na tinatawag nating “birds of the same feathers flocks together”, hindi magkapareho ang elementong taglay ng Libra at Taurus dahil ang Libra ay air type sign, habang ang Taurus ay earth type sign. Sa madaling salita, sa unang batas ng compatibility na hinango sa Western Astrology, hindi kayo compatible.


Ganundin sa ikalawang batas ng compatibility na nakasalalay naman sa prinsipyong “opposite poles attract each other” na hinango sa Oriental Astrology, kung saan ang Libra na air element ay hindi rin tugma sa Taurus na earth element.


Dagdag pa rito, sa ikatlong batas ng compatibility na tinatawag naman nating “neighboring attraction” na hinango sa batas ng magnetic poles o gravitational attraction, dahil hindi naman magkapitbahay na zodiac sign ang Taurus at Libra, hindi pa rin sila compatible.


Ngunit sa Depth Astrology o ang malalimang pagsusuri ng mga planetang kumukubabaw sa bawat zodiac signs, dito kayo naging magka-compatible ng boyfriend mo. Ito rin ang dahilan kaya kayo nakabuo ng meaningful at intimate relationship, sa dahilang ang Libra ay tulad ng Taurus na may iisang ruling planet – ang planetang Venus.


Ibig sabihin, tugma ang planetang naghahari sa inyong kapalaran, kaya nakabuo kayo ng masaya at maayos na relayson, kung saan sabi mo nga ay niyayaya ka na ng boyfriend mong magpakasal sa susunod na taon.


Ang ikinaganda pa nito, bukod sa tugma kayo sa pagsusuring Depth Astrology, tugma rin ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) sa birth date niyang 29 (ang 29 ay 2+9=11/1+1=2), dahil kapwa kayo nagtataglay ng weak number na 7 at 2 at sa pang-istatistitkang tala, maraming isinilang sa petsang 7, 16 at 25 na nakatuluyan silang mga isinilang sa petang 2, 11, 20 at 29.


Kaya mula ngayon, ‘wag mo nang iisiping hindi kayo tugma ng boyfriend mo dahil sa totoo lang, compatible kayo. Kapag kayo ang nagkatuluyan sa 2023, siguradong aani rin kayo ng wagas at panghabambuhay na pagmamahalan, higit lalo kung sa buwan ng Abril o Mayo, Setyembre hanggang Nobyermbre kayo magpapakasal. Gayundin, kung itutuon ang inyong kasal sa mga petsang 1, 10, 19, 28, 6, 15, at 24, sa panahong nasa kabilugan o nasa first quarter ang buwan sa langit. Sa ganitong paraan, tulad ng papabilog at papabulas na buwan, magiging masagana, maligaya, papabulas at papaunlad din ang itatayo n’yong pamilya habambuhay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page