by Info @Editorial | Nov. 6, 2024
Pagkatapos ng matinding bagyo, pagbangon naman ang kinakaharap ngayon ng ating mga kababayang nasalanta. Kabilang sa mga labis na naapektuhan ay ang mga magsasaka na talagang wasak ang kabuhayan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalabas ng Indemnification Payment para sa mga magsasaka na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Naglabas na rin ng kautusan na bilisan ang pagpapalabas ng naturang kabayaran sa mga farmer na sakop ng insurance ang mga lupain. Hindi maitatanggi na ang mga magsasaka ang isa sa mga sektor ng ating lipunan na madalas ay ‘di nakikita ng marami, ngunit sila ang pangunahing tagapagtaguyod ng ating kalusugan at kabuhayan.
Sa kabila ng kanilang mahirap na trabaho, sila rin ang unang apektado tuwing may kalamidad. Hindi lamang mga pananim ang nawawala kundi maging ang kanilang mga pangarap at plano para sa hinaharap.
Karamihan sa mga magsasaka ay umaasa sa kanilang mga ani upang matustusan ang kanilang mga pamilya, at ang biglaang pagkawasak nito ay nagdudulot ng malalim na kahirapan.
Sa ganitong mga sitwasyon, napakahalaga ng mabilis at epektibong ayuda mula sa gobyerno at iba pang ahensya. Hindi sapat na magbigay lamang ng pansamantalang tulong, dapat ay isama rin ang mga hakbang upang mapabilis ang kanilang pagbabalik sa normal na buhay.
Kasama na rito ang mga programa para sa rehabilitasyon ng mga nasirang taniman, pati na rin ang mga pautang na walang mataas na interes upang matulungan silang makabangon. Hindi rin dapat kaligtaan ang mga magsasaka sa mga lugar na hindi agad naaabot ng pangunahing serbisyo, kaya’t kailangan ang pagbuo ng mga mekanismo na mas mabilis at mas malawak ang saklaw.
Comentários