Ka-m.u sa abroad, dapat piliin kesa sa dating ka-live in
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 01, 2020

KATANUNGAN
1. Limang taon na ako rito sa Singapore at balak ko nang mag-for good next year at magtayo ng negosyo pag-uwi ko ng ‘Pinas. Ang binabalak kong negosyo ay grocery sa public market, aasenso ba ako sa negosyong ito?
2. May live-in partner ako noon sa ‘Pinas bago ako umalis, pero ngayon ay parang nagkakalabuan na kami habang may nakilala ako rito sa Singapore at parang mag-M.U. na kami. Kanino sa dalawang lalaking ito ako susuwertehin kung sakaling isa sa kanila ang aking mapapangasawa?
3. Ang dating live-in partner ko ay may birthday na October 13, 1989, habang ang nakilala ko naman dito ay birthday na May 5, 1990, at October 17, 1988 naman ang birthday ko. Sino sa kanila ang ka-compatible o dapat kong mapangasawa?
KASAGUTAN
1. Walang duda, kapwa mo ka-compatible ang mga lalaking nabanggit mo dahil ‘yung una na may birthday na October 13, 1989 ay kapareho mo ng zodiac sign kung saan pareho kayong Libra. Sa Depth Astrology na pag aanalisa, ka-compatible mo rin siyang may birthday na May 5, 1990, na may zodiac sign na Taurus, sapagkat ang Taurus at Libra ay may iisang planetang tinataglay – ang planetang Venus.
2. Gayunman, kung salapi, negosyo at materyal na bagay ang layunin mo, sa dalawang lalaki ang mas magbibigay sa iyo ng suwerte sa larangan ng panalapi, walang alinlangang si May 5, 1990 ang nararapat mong piliin. Dahil ang Taurus ay may elementong lupa, habang ang 5 ay taglay ang planetang Mercury ay sadyang pinapalad sa pagnenegosyo, na nagkataong ang 5 ay suweto ring isama sa 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) na birthday mo, lalo na’t kayo ay magsososyo at magtutulungan sa iisang negosyo.
3. Hinggil naman sa guhit ng iyong palad, kapansin-pansin ang makapal at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung gugustuhin mo, anumang sandali, puwede kang magpabalik-balik sa abroad kahit hindi muna mag-negosyo. Dahil sa edad mong 32 ay bata ka pa naman, ibig sabihin ay magpakasawa ka muna sa abroad at mag-ipon ng maraming puhunan bago tuluyang sumabak sa negosyo.
4. Sa ganu’ng paraan, kung buo na talaga ang loob mong mag-negosyo, puwede mo pa rin naman itong ipatupad. Sapagkat may namataan din namang malinaw at makapal na Business Line (Drawing A at B. B-B arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, anuman ang piliin mo sa dalawang option na inilahad sa itaas, wala namang problema dahil nakatakda na sa iyong Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) na malinaw at makapal, na sa panahong ito ng iyong buhay ay tuluy-tuloy ang malaking pag-asenso at tagumpay sa larangan ng kabuhayan ang aanihin mo.
MGA DAPAT GAWIN
1. Christine, tunay ngang bihira ang magandang guhit ng palad tulad ng sa iyo na may good looking Business Line (B-B arrow b.), at pagkatapos ay pinagkalooban ka rin ng good looking Fate Line (F-F arrow c.) at may good looking Travel Line (t-t arrow a.) pa, na nangangahulugang anuman ang larangang nais mong suungin, tiyak na magtatagumpay ka at siguradong aasenso sa aspetong materyal na bagay.
2. Isa lang ang dapat mong gawin sa kasalukuyan upang magpatuloy kang yumaman at maging maligaya kung saan sa panahong sagana, ‘wag mong kakalimutang mag-ipon at magsinop ng kabuhayan, mahalin mo ang bawat salapi na magaang mong kinikita ngayon upang mahalin ka rin naman ng magandang kapalarang ipinagkaloob sa iyo ng langit, hanggang sa tuluyan kang yumaman. Ayon sa iyong mga datos, ang nasabing malaking pagyaman ay nakatakdang maganap sa 2025, sa edad mong 37 pataas.




Comments