Jeep nahulog sa ilog, misis dedo, mister na drayber, nawawala

by Mai Ancheta / Levi Gonzales @News | October 5, 2026

Photo: Jeep sinubukang tumawid sa ilog ng Panisingin Bridge sa Rosario, Batangas - Circulated
Patay ang isang ginang habang nawawala ang mister nito matapos maanod at mahulog sa ilog ang sinasakyang jeep habang tumatawid sa Panisingin Bridge sa Rosario, Batangas nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Maricel Banasihan habang nawawala ang asawang si Rene.
Ang jeep na may 14 na pasahero ay galing sa Taysan Batangas at patungo sana sa isang poultry farm sa Rosario nang mangyari ang insidente.
Tinangka umano ng driver na tawirin ang tulay kahit umaapaw ang baha at dahil sa lakas ng agos ay naanod ito at nahulog sa ilog.
Nagawang makalangoy ng 12 pasahero subalit naiwan sa loob ng jeep ang mag-asawa.
Ang labi ng biktima ay natagpuan ng rescue team ng Philippine Coast Guard tatlong kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy na pinaghahanap ang nawawalang asawa ng biktima.





Comments