top of page
Search
  • BULGAR

Isinilang sa Year of the Sheep, masarap maging kaibigan pero masamang kaaway

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 16, 2020


Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa bawat animal sign ngayong 2020, talakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng Sheep o Tupa ngayong Year of the Metal Rat. Ang Sheep o Tupa ay tinatawag ding Goat o Kambing.

Kung ikaw ay isinilang noong 1919, 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Sheep o Goat.


Samantala, bukod sa pagiging likas na mabuti at mabait, may kakaibang galing din ang Tupa upang mangyari ang kanilang gusto sa pamamagitan ng pagpupumilit. Pagpupumilit sa malumanay, mahusay at may lambing na paraan. Dahil bukod sa pagiging likas na mabait, may taglay ding intuition ang Tupa kung saan nababasa o nalalaman niya ang paraan na ipatutupad o ipagagawa niya sa iba ang kanyang mga binabalak at ninanais mangyari.


Dagdag pa rito, may kakayahan din ang Tupa na maghintay nang matagal at hindi naiinip sa magiging resulta ng kanyang paghihintay. Sapagkat batid niyang sa bandang dulo ng mga pangyayari, siya ay papatnubayan ng kapalaran, kaya naman madali ring ibibigay ng langit ang mga bagay na matagal niyang pinagtiyagaang hintayin. Kapag patuloy sa pagtitiyaga at paghihitay ang Tupa, tulad ng paisa-isang patak ng ulan na tumutunaw sa dambuhalang bato, matutupad niya ang lahat ng mga pangarap at ambisyon niya sa buhay.


Dahil likas na mabait, masama ring magalit ang Tupa at bagay na bagay sa kanya ang kasabihang, “Mabuting kaibigan, pero masamang kaaway.”


Ang isa pang kahanga-hanga sa kapalaran ng Tupa ay sa totoo lang, hindi naman niya kailangang maghirap at magpakasipag nang mabuti, dahil ang kanyang tadhana o kapwa ay pagsisilbihan siya para mangyari ang gusto niyang mangyari at matupad ang kanyang mga pangarap at gusto sa buhay.


Halimbawa nito ang Tupa na nakapag-asawa ng mayaman, kaya yumaman din siya. Puwede rin namang wala siyang planong pinetisyon siya ng kanyang kamag-anak patungong ibang bansa at nang naroon na, siya ay tuloy-tuloy na yumaman at sinuwerte. Laging ganu’n ang nagiging kapalaran ng Tupa kung saan dumarating sa kanyang buhay ang marami at magagandang kapalarang hindi niya inaasahan na dulot o bigay ng mga taong malalapit sa kanya.


Ang ikinaganda pa sa kapalaran ng Tupa kaya siya ay laging pinagpapala ng tadhana ay ang likas na ugali niyang mapagbigay at handang tumulong sa mga nangangailangan. Habang ganu’n ang ugali ng Tupa, tuloy-tuloy naman siyang ginarantiyahan ng tadhana ng doble at mas maraming pagpapala ng higit sa mga itinulong niya sa kanyang kapwa.


Dahil likas na mabait at matulungin, masarap maging kaibigan ang Tupa dahil palagi siyang handang magbigay ng simpatya at pagmamahal, hindi lamang sa kanyang mga kaibigan kundi maging sa kanyang mga mahal sa buhay.


Bagama’t hindi siya direktang nagbibigay ng advice o solusyon sa isang problema, mararamdaman mo ang kanyang presensiya, malasakit at pagmamahal, kaya sinasabing mapalad ang mga anak na may magulang na Tupa, gayundin ang may karelasyon o asawa na Tupa, na tunay ngang laging mag-aaruga at magmamahal sa kanya.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page