top of page
Search
BULGAR

 Ipadama ang pagmamahal sa bayan sa Takbo Para sa WPS

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 27, 2024



Sports News

Matapang na sabay-sabay ihahayag ng mga mananakbo ang pagmamahal sa bayan sa “Takbo Para Sa West Philippine Sea,” ang pinakabagong serye ng karera na may ipinaglalaban na adbokasiya. Tutulak ang unang karera ngayong Hulyo 7 sa Mall of Asia at susundan ng iba pang yugto sa buong kapuluan. 


Maaaring tumakbo ng 16, 10, lima o 2 kilometro at ginaganap na ang pagpalista online sa Race Roster. Tiyak na aabangan ang kakaibang medalya na hugis angkla para sa lahat ng mga magtatapos. Pagkatapos ng karera sa MOA ay susunod ang sa SM Seaside Cebu sa Agosto 11. Wawakasan ang serye sa Limketkai Cagayan de Oro sa Setyembre 8. 


Isa sa pangunahing layunin ng serye ay magbahagi ng kaalaman tungkol sa usapin sa karagatan. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga proyektong pang-edukasyon tungkol sa West Philippine Sea. Maliban sa mga kinagawiang makikita sa mga fun run, magkakaroon ng mga palabas na inaasahang pupukaw ng damdaming makabayan ng mga nandoon. Ipakikita rin ang ilang kagamitan na ginagamit sa pagbantay ng yaman-dagat ng Pilipinas. 


Ang “Takbo Para Sa West Philippine Sea” ay hatid ng Philippine Coast Guard kasama ang Runrio ni Coach Rio dela Cruz. Kasama rin ang Task Force On The West Philippine Sea at Philippine Information Agency. 


Abangan din ang iba pang handog ng Runrio tulad ng Tzu Chi Charity Run For Education sa Hulyo 21 sa UP-Diliman. Gumugulong din buong taon ang mga patakbo sa HOKA Trilogy Run Asia at MILO Marathon sa lahat ng sulok ng kapuluan. 

0 comments

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page