Ingat sa mga pekeng balita
- BULGAR
- 3 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 2, 2025

Palala nang palala ang pagkalat ng mga pekeng balita lalo na sa social media at iba’t ibang online platforms.
Mabilis at malawak ang paglaganap ng mga maling impormasyon — mga gawa-gawang istorya, pekeng survey results, at mali-maling quotes na iniuugnay sa mga kandidato.
Sa panahon ng matinding tunggalian sa pulitika, nagiging sandata ang kasinungalingan upang linlangin ang mamamayan at impluwensyahan ang kanilang desisyon.Hindi na bago ang ganitong taktika at gamit ang teknolohiya, mas nagiging makapangyarihan ang mga nasa likod ng fake news ngayon.
Kaya naman, kinakailangan ang mas matibay na paninindigan at kritikal na pag-iisip mula sa mga botante.
Hindi sapat ang basta nagbabasa at share na lang — dapat suriin muna kung saan nanggaling ang balita, totoo ba ito, at kung may kredibilidad ba ang pinagmulan nito.Ang mga pekeng balita ay hindi simpleng usapin lamang ng maling impormasyon.
Ito ay banta sa ating demokrasya. Kapag ang mamamayan ay nalilinlang at pinapaniwala sa kasinungalingan, nawawala ang kakayahang pumili ng tama at makatarungan.
Sa huli, tayo rin ang talo — sapagkat ang mananalo ay hindi batay sa katotohanan kundi sa panlilinlang.Kaya ngayong halalan, maging mapanuri. Magtanong, magsaliksik, at huwag basta maniwala sa mga nakikita online.
Gampanan natin ang ating papel bilang tagapangalaga ng katotohanan.
Comments