Pondo ng taumbayan, ‘wag gamitin sa kampanya
- BULGAR
- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 3, 2025

Naglalabasan na naman ang mga isyung pamumulitika sa serbisyong pampubliko.
Isa na rito ang umano’y maling paggamit ng state resources, partikular ang ayudang nakalaan para sa mga nangangailangan.Ang ayuda o anumang anyo ng tulong mula sa gobyerno ay pondo ng taumbayan.
Ito’y hindi pag-aari ng sinumang pulitiko.
Gayunman, sa ilang pagkakataon, ginagamit ito ng mga opisyal bilang kasangkapan upang makakuha ng simpatiya at boto.
May mga naglalagay pa ng kanilang pangalan at mukha sa mga relief goods o cash assistance, na para bang galing sa kanilang sariling bulsa ang pondo. Ito ay malinaw na pagsasamantala sa kahinaan ng mga mamamayan.Ang ganitong gawi ay hindi lamang imoral — ito rin ay ilegal. Ang tanong, sapat ba ang pagpapatupad ng batas?
Tila kulang ang monitoring at pagpaparusa sa mga lumalabag. Kaya’t mahalaga ang papel ng bawat isa upang bantayan ang kilos ng mga nasa kapangyarihan.
Kailangang manindigan tayo — ang ayuda ay karapatan, hindi pabor. At ang eleksyon ay dapat labanan sa plataporma, hindi sa kung anu-anong ipinamumudmod.Kung nais natin ng tunay na pagbabago, dapat ay wakasan ang kulturang ginagamit ang kahirapan bilang instrumento ng kapangyarihan.
Piliin natin ang mga kandidatong hindi nagtatago sa likod ng ayuda, kundi ang mga may tunay na layuning magsilbi sa bayan.
Comments