top of page

Inabot ng gabi at ‘di makita ang daan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 15, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 15, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Omar ng Obando Bulacan.


Dear Maestra,


Magandang araw sa inyo! Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko kagabi? Pumunta ako sa isang lugar at inabutan ako ng gabi roon. Halos hindi ko na makita ang daan dahil madilim at buti na lang, may natanaw akong sinag sa hindi kalayuan na siyang naging gabay para matukoy ko ang daan pauwi sa aking bahay. Sana ay mabigyan n’yo ng linaw ang panaginip ko.


Naghihintay,

Omar


Sa iyo, Omar,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay may ugali ka na gusto mong mapag-isa at sinasarili mo lang ang iyong problema. Alalahanin mo, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Darating at darating ang panahon na kakailanganin mo ang tulong ng iyong mga kaibigan. Ngayon na ang tamang panahon, sa dahilang ang dati mong maaliwalas na buhay ay unti-unti nang naglaho na para bang nabalot ng dilim ang iyong paligid. ‘Yan ang ibig sabihin kung bakit halos hindi mo na makita ang daan dahil madilim.


May nakita kang sinag na siyang naging gabay mo para makauwi. Ang sinag na tinutukoy sa panaginip mo ay ang mga kaibigan mo na handang tumulong sa iyo. Huwag kang mahiyang lumapit sa kanila dahil sila ang magbibigay-liwanag sa mga bagay na nagiging sanhi ng iyong pagkabalisa. Nagpapahiwatig ang iyong panaginip na may magandang balita kang matatanggap mula sa iyong kaibigan na nasa malayong lugar. Ito na ang magiging simula ng pagbabago sa iyong buhay. Muli kang magkakaroon ng pagkakataon para umunlad ang iyong buhay sa tulong ng iyong kaibigan. Samantalahin mo ang pagkakataong ito. Opportunity knocks only once. Kaya ano pa ang hinihintay mo? Sunggab agad!


Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page