Inaabuso ng kuya, takot magsumbong dahil sa bantang papatayin
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 30, 2022
Dear Sister Isabel,
Naaaliw akong basahin ang kolum n’yo dahil kapupulutan ng aral at tamang-tama ang payo na ibinibigay n’yo sa mga sumasangguni sa inyo. Akala ko ay hanggang tagabasa lang ako at hindi ko inasahang isa rin pala ako sa mga sasangguni sa inyo. May mabigat akong problema sa kasalukuyan.
Pinagsamantalahan ako ng kuya ko, pero hindi ako makapagsumbong sa mga magulang namin dahil nagbanta siyang papatayin niya ako ‘pag nagsumbong ako. Nangyari ito during pandemic, naiwan kami sa bahay dahil sabay na nagpabakuna ang parents namin. Nilagyan niya ng pampatulog ang softdrinks ko at paggising ko ay ginagawa na niya ang kanyang kahalayan.
Nang dumating ang mga magulang namin, hindi ako nagpahalata na may nangyari, sa halip ay natulog ako agad. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at wala akong lakas ng loob na magsumbong. Ang masaklap pa, nauulit ang pananamantala niya tuwing may pagkakataon siyang gawin ito at hindi ako makapalag. Hindi ko na kaya, sana ay matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Rowena ng Valenzuela City
Sa iyo, Rowena,
Nakikisimpatya ako sa nangyari sa iyo. Tunay ngang mahirap sa kalooban ang dinadala mong problema. Tibayan mo ang iyong loob, humingi ka ng tulong sa teacher o tiyahin mo na mapagkakatiwalaan at sabihin mo ang iyong problema dahil alam nila ang gagawin. Magtiwala ka sa taong napili mong tumulong sa iyo dahil siya ang magsasabi sa parents mo para malaman nila ang mga pangyayari.
Hindi tama ang ginagawa ng kuya mo sa iyo at dapat niya na itong itigil at pagdusahan sa bilangguan. Huwag kang mabahala dahil naniniwala ako na magkakaroon ka ng katarungan at babalik sa normal ang hirap ng kalooban na tinitiis mo ngayon.
Gayunman, hindi mo nasabi kung ilang taon ka na. Kung ikaw ay teenager, makakatulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lugar n’yo. Ikokonsulta ka nila sa eksperto para mabalik sa normal ang iyong nararamdaman. Sa palagay ko ay ganyan ang gagawin ng teacher o tiyahin na pagkakatiwalaan mo ng iyong problema. Lalapit sila sa DSWD pagkatapos maisuplong ang kuya mo sa mga awtoridad.
Nawa’y nakatulong ang payo ko sa problema mo. Hindi pa ito ang katapusan ng mundo. Malalagpasan mo rin ang masaklap na karanasan mo. Dumulog ka sa Diyos at huwag mong kalimutang magdasal. Ang taong madasalin ay dinidinig ng Diyos. Ang mga kapighatian ay hindi niya sasapitin at ililigtas siya sa anumang pasanin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments