Imbiyerna sa mga anak na walang respeto; todo-sising dinala sa Canada
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 27, 2022
Dear Sister Isabel,
Masasabi kong fulfilled na ako sa buhay dahil lahat ng material desire ko ay ibinigay sa akin, gayundin ang pag-aasawa ko ng isang Canadian. Dahil sa kanya, nadala ko sa Canada ang tatlong anak ko at du’n sila nagtapos ng pag-aaral. Sa ngayon, lahat sila ay professional na at nakatagpo ng magandang trabaho sa Canada. May limang apo na rin ako.
Subalit sa kabila nito, hindi ako masaya. Hindi pala kayang paligayahin ng pera ang isang tao. May emotional problem ako dahil masyado nang lumaki ang ulo ng mga anak ko dahil naimpluwensiyahan ng makabagong panahon. Dati ay madasalin sila, pero ngayon ay wala nang kinikilalang Diyos at siyensiya na lang pinaniniwalaan nila. Wala na rin silang respeto sa akin at sa aking asawa, sinasagot-sagot at sinesermunan nila ako na para bang sila ang ina at ako ang anak.
Ano ang gagawin ko upang maibalik ang dating ugali ng mga anak ko na magalang, mapagmahal at maalalahanin? Nagsisisi ako dahil kung nanatili sila rito sa Pilipinas, sana’y madasalin, magalang at mapagmahal pa rin sila.
Nagbakasyon lang ako rito sa Pilipinas para dalawin ang mga kamag-anak namin at nabasa ko ang kolum n’yo kaya agad akong sumangguni sa inyo. Hihintayin ko ang sagot n’yo.
Nagpapasalamat,
Nora ng Capiz
Sa iyo, Nora,
Sadyang naimpluwensiyahan na ng makabagong panahon ang mga kabataan ngayon, gayundin ang karamihan sa mga adult, lalo na ‘yung mga nakatira sa ibang bansa. Iba ang upbringing nila ru’n dahil hindi natututukan kung naliligaw na ba ng landas mga anak nila, basta tumuntong nang 18-anyos, pinababayaan na sa gusto nilang gawin sa buhay.
Malayong-malayo sa nakasanayan dito sa atin dahil may panahong hubugin at subaybayan ang mga anak. Nakikisimpatya ako sa iyo. Makabubuting dalasan n’yo ang family bonding upang maging close kayong mag-anak.
Gayunman, hindi mo nabanggit kung pareho kayong nagtatrabaho ng mister mo. Sa palagay ko ay wala ka nang time para makipag-bonding, makipagkuwentuhan at sama-samang magdasal bago matulog sa gabi. Bukod pa r’yan ang impluwensiya ng mga kaibigan nila na masyadong moderno ang pananaw sa buhay. Gayundin, marahil ay hindi mo rin sila iminulat sa pagsisimba tuwing Linggo sa Simbahang Katoliko na siyang relihiyon n’yo.
Kahit may mga pagkukulang ka bilang ina, hindi pa huli ang lahat. Ipinapayo ko na imbitahan mo sila at mag-get together kayo, ihanda mo ang nga paborito nila o gawin mo ito sa birthday mo.
Sa ganitong paraan, muling mapapalapit ang loob ng mga anak mo sa iyo at babalik ang respeto nila sa iyo, lalo pa’t makikita nila ang effort mo na maging masaya ang lahat.
Sikapin mo ring ilapit sila muli sa Diyos sa pamamagitan ng sama-samang pagsisimba. Hilingin mo rin na tulungan ka ng Diyos sa problema tungkol sa iyong mga anak.
Huwag kang makakalimot magdasal. ‘Yan ang sandata mo sa lahat ng pagsubok sa buhay.
Lakip nito ang aking dalangin na magbalik-loob ang mga anak mo sa Diyos, mamulat ang mga mata nila dahil hindi Diyos ang siyensiya. Isa lamang ang Diyos at ‘yan ay walang iba kundi ang Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments