Imbiyerna sa mga anak dahil ‘di na marunong rumespeto
- BULGAR
- May 9, 2022
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 9, 2022
Dear Sister Isabel,
Parang walang katapusan ang mga problema ko dahil ‘pag nalutas ang isa, may kasunod agad. Apat ang anak ko, dalawang babae at dalawang lalaki. Maayos ko naman silang pinalaki katuwang ang asawa ko na walang tigil sa paghahanapbuhay para sa amin. Subalit nawawala na ang respeto ng mga batang ito sa aming mag-asawa.
Dati ay nagmamano at namumupo sila, pero ngayon ay hindi na at parang kaedad lang nila ang kausap. Gayundin, sila ang nanenermon na parang sila ang mga magulang at tamad na tamad ding magdasal, samantalang dati ay sabay-sabay kaming nagdarasal bago matulog. Sa pagkain naman, noon ay sabay-sabay kaming kumain, pero ngayon ay hindi na dahil kakain lang sila kung kailan nila gusto.
Ibang-iba na talaga ang mga kabataan. ‘Yung panganay, ‘pag pinapangaralan, hindi ako pinapansin at tila walang naririnig. ‘Yung pangalawa naman, hindi ako pinapatapos magsalita at sumasagot na, habang ‘yung pangatlo at bunso ay ganundin.
Ano ang dapat kong gawin sa mga anak ko para hindi ako makunsumi?
Nagpapasalamat,
Josephine ng Las Piñas
Sa iyo, Josephine,
Una sa lahat, binabati kita ng mapayapa at mabiyayang araw. Relax ka lang, huwag mong kunsumihin ang iyong sarili dahil baka magkasakit ka at lalong madagdagan ang problema mo.
Sadyang ganyan ang henerasyon ngayon at hindi tulad noon na matitigan lang ng magulang ang mga anak ay agad na sumusunod sa utos. Iba na ngayon dahil matigas ang damdamin ng mga kabataan at may sarili silang mundo. Gayunman, ‘wag kang makipagtalo sa kanila dahil tiyak na hindi sila nagpapatalo at sasama lang ang loob mo.
Ang gawin mo ay idulog mo sa Diyos ang mga problema mo sa iyong mga anak. Siya ang kikilos para sa iyo, basta manalig ka lamang nang walang alinlangan sa Kanyang kapangyarihan. Ipagdasal mo mga anak mo na ibalik ang dati nilang ugali na paladasal, magalang at sumusunod sa mga magulang.
Para sa iyo naman, subukan mong magbasa ng Bible. Malaking tulong ‘yan upang mapanatag ang iyong isipan at hindi mabalisa sa sitwasyon mo ngayon. Ang Bible ay makapangyarihan, kaya buksan at basahin mo ito. Sa unang pagbukas mo, eksakto na tungkol sa problema mo ang iyong mababasa. Matatagpuan mo ru’n ang tamang gabay sa iyong pamumuhay, kaya ano pa ang hinihintay mo?
Kunin mo na ang Bibliya n’yo at basahin ang anumang nakasulat du’n at magugulat ka dahil lutas na ang iyong problema. Alam mo na ang dapat gawin sa iyong mga anak. Mismong sa Bible mo natagpuan ang kasagutan. Ganyan kahiwaga ang kapangyarihan ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments