top of page

Imbes na mag-emote dahil masyonda na... Tips para ma-enjoy ang pagtanda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 20, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 20, 2020




KAPAG palagi mong binibilang sa kalendaryo ang edad mo, madidismaya ka lang sa pagbibilang ng hanggang 40 taon pa. Lalo kang malulungkot sa huling bahagi ng buhay kung patuloy mo itong gagawin.

Parang wala kang katibayan ng iyong mga natupad at natutunan sa iba pa mo pang nalalabing buhay ay hindi ka man lang nakapaglibang. Magawa ang mga gustong gawin pa, maging produktibo at tagumpay.

Basahin ang mga ito kung paanong ang mga nalalabi pang taon sa buhay mo ay maging ‘da best in life.’

1. Pangalagaan ang assets, hindi lamang ang pera. Kung ang financial planners ay nagsasabi ng mga dapat gawin sa iyong kayamanan ang ibang assets ay kailangan ng atensiyon. Ang ating katawan, isipan at ispiritwal na buhay, abilidad, kakayahan, kaibigan, pamilya, lipunan, bansa at mundo ay isang asset na matatawag sa simpleng buhay.


Gawin mo ang sarili na maging tagapangalaga ng lahat ng bahaging ito, lahat, upang maging ganap na buo ang iyong pagkatao.

2. Hanapin ang ‘bahaghari.’ Damhin ang lahat ng assets na ito. Ano ba ang kasalukuyan nilang kondisyon? Ano bang parte ang dapat pag-ibayuhin? Alin ba ang napapabayaan? Tanggapin ang kondisyon ng ‘assets.’ Huwag nang mag-aksaya ng panahon sa pag-asam ng mga bagay na wala ka. Huwag magpadala sa mga salitang, “Kung marami lang akong pera,” “Kung mas maganda sana ang pakiramdam ko,” “Kung matalino lang sana ang mga anak ko,” “Kung mainam sana ang napangasawa ko na sana’y tulad siya ng taong pangarap ko,” o “Kung wala lang sana akong binabayarang bills.”

3. Maging aktibo. Konsiderahin ang pagiging ikaw. Gawin ang ehersisyo sa sariling kalusugan. Gumalaw-galaw upang hindi magkaroon ng bara ang mga ugat at magpatuloy ang lakas ng mga parte ng katawan.


Kung wala kang ibang ginagawang pisikal na aktibidad, simulan sa pag-akyat sa hagdanan sa halip na sumakay ng elevator o lakarin na lang kung dalawang kanto lang naman ang layo ng pupuntahan. Iparke ng malayo ang sasakyan sa pupuntahang establisimyento upang makapaglakad. Hasain ang isipan sa ilang paraan. Habang natututo ka ng bagong mga bagay ay nakapagpapaaktibo ito sa iyong isipan sa ilang paraan tulad din ng paggamit sa mga paa sa paglalakad. Gumawa rin ng mga bagay na mainam para sa ikalulusog ng iyong espiritu.


Ang regular na pagsisimba o pagsamba ay isang mainam na paraan. Parang pagmamahal at pangangalaga ito sa kalikasan. Gawin ang mga bagay na dama mong buo ang iyong pagkatao na tipong puwede kang maging isang banal.

4. Lumahok sa mga group support. Isipin ang kondisyon ng iyong relasyon. Palakasin ang pakikipagkapwa-tao, tingnan ang sarili at buksan ang loob nang tapat sa ibang tao. Galit ka ba sa iba? May dala-dala ka bang sama ng loob sa maraming tao? Isang paraan na magagawa ito ay isulat ang anumang bagay na sumusurot sa isipan at damdamin. Isulat ito nang isulat hanggang sa mawala na ang bigat na loob.


Magkaroon ng tapang na iwaksi ang mga tao sa buhay na walang ginagawa kundi ang magreklamo nang magreklamo ng kung anu-anong bagay. Tanungin ang sarili. Ang tao bang ito ay nakagaganda sa pakiramdam mo? May maganda ba siyang naidulot sa buhay mo? Kapag nabalot ang tao ng sobrang negatibo sa buhay, ito ang magpapabagsak sa atin.


Kung maliit na lang ang bahay mo ngayon, ito na ang tamang panahon para mabawasan ang mga kagamitan, mga sobrang dami ng bagay sa bahay na kulang na lang ay ahas at daga ang nakatira dahil sa tambak na gamit. Ipamigay na ang mga iba na hindi na nagagamit.

5. Isipin ang sarili bilang parte ng lipunan, lumahok at matutunan kung ano ang nangyayari at maging aktibo sa ilang paraan na naaangkop sa lakas mo. Magboluntaryo. Nasa bahay ka lamang muna ngayon, bawal lumabas ang mga matatanda dahil may pandemic, pero matapos lang ang pandemya ay maging aktibo sa barangay, simbahan o magboluntaryo sa pagbibigay tulong sa mga nangangailangan. Gawin ang paglilinis ng bakuran at mag-alaga ng mga namumungang halaman maging ang mga namumulaklak sa paghahardin.

6. Maging mahinahon. Huwag magsusungit. Maging malusog at masayahing matanda. Maging mabait sa kapitbahay, huwag silang aawayin. Kung sobra-sobra sa ‘yo ang biyayang dumarating, mamahagi ka. Kapag may malusog kang relasyon sa kapwa, may kontribusyon ito sa sariling kalusugan. Habang mainam ang iyong pakiramdam, mas marami kang nagagawa para sa kapwa.


Ayon sa siyensiya, ‘ika nga, kapag naiingatan ang sarili, may mainam at mapagmahal na relasyon sa iba, nakakatulong ito nang husto, nagiging buo at masayang tao. Gawin ang anumang isinisigaw na nakapagpapagaan ng iyong puso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page