top of page

Ilang beses nang nahuli sina bff... Misis, suko na sa pangangaliwa at pagsisinungaling ni mister

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 22, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 22, 2023

Dear Sister Isabel.


Kung sino pa ‘yung kaibigan mo, siya pang tatraydor sa iyo, hindi ko sukat akalain na itong bestfriend ko mula pagkabata ang aagaw sa pinakamamahal kong asawa at ama ng aking tatlong anak.


Nahuli ko sila na nag-check-in sa hotel. Gayunman, na-control ko ang sarili ko. Hindi ako nag-iskandalo. Umuwi ako ng bahay at para bang sasabog na ang aking dibdib dahil sa natuklasan ko.


Pagdating sa bahay, du’n ko sinita ang asawa ko. Ayaw niyang aminin dahil hindi raw siya ‘yun, at baka raw kamukha lang niya. Ganu’n pala ang mga lalaki, ‘no? ‘Yun bang kahit huli na sila sa akto, lulusot at lulusot pa rin. Galit na galit ako, at gusto ko na siyang hiwalayan pero ayaw niyang pumayag.


Kalaunan, umamin rin siya, at nangakong hindi na mauulit ang lahat. Subalit, sinundan ko muli siya, at nahuli ko na naman silang nagda-date.


Ano ba ang dapat kong gawin? Hindi ko na kasi masikmura ang ginagawang pagtataksil ng asawa ko. Sister Isabel, hindi ko na kaya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako sa problema kong ito.


Nagpapalasamat,

Isabelita ng Masbate.


Sa iyo, Isabelita,


Nakikisimpatya ako sa iyo, ganyan talaga karamihan sa mga lalaki, ‘yun bang huli mo na sa akto ngunit pilit pa ring magpapalusot. Huminahon ka, hindi ka nag-iisa sa problema mo, dahil bahagi ito ng buhay may asawa.


Marami kayong mga babae na niloloko, pero bakit nakakayanan naman ng iba? Kung kaya nila, puwes, kaya mo rin. Kausapin mo nang masinsinan ang asawa mo. Kung hindi pa rin siya titigil sa pagtataksil, bigyan mo na siya ng leksiyon. Layasan mo siya, pero ‘yun pansamantala lang.


Sa palagay ko ay tuluyan na niyang ititigil ang pagtataksil na ginagawa niya sa iyo ‘pag nakita niyang mahirap pala ang iwanan ng tunay na asawa. Kung makikiusap siya sa iyo, bigyan mo siya ng isa pang pagkakataon. Hayaan mong ipakita niya na nagbago na talaga siya, at yayain mo rin siyang mag-join sa samahang pansimbahan tungkol sa mag-asawa.


Sa palagay ko, ru’n siya mamumulat sa katotohanang walang ibang dapat mahalin at pag-ukulan ng pansin kundi ang sariling pamilya. Gawin n’yong sentro ng pagsasama ang Diyos. Makikita mo, malaking pagbabago ang magaganap sa buhay n’yo at baka gamitin din kayong instrumento ng Diyos upang mas maging matatag.


Taos-puso ko kayong pagdarasal sa Poong Maykapal, nawa’y maging huwaran kayo, kung paano binago ng Diyos ang inyong buhay at lalo pa itong pinabanal. Gawin mo na ito ngayon, yayain mo na ang iyong asawa na magsimba tuwing Linggo at sumali kayo sa samahang pansimbahan tungkol sa mag-asawa.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page