top of page
Search
  • BULGAR

Iba’t ibang ganap tuwing Undas

ni Mharose Almirañez | October 30, 2022




Asahan na ang heavy traffic dahil sa pagdagsa ng mga pamilyang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang dalawin ang puntod ng mga yumaong kamag-anak ngayong Undas.


Long weekend din itong maituturing, dahil bukod sa natataong semestral break ng mga estudyante ay wala ring halos pasok sa trabaho ang ilang manggagawa. Kaya naman sinusulit na ng ilang pamilya ang pagkakataong ito para makapag-bonding.


Bilang tradisyon taun-taon, narito ang limang pangunahing ginagawa tuwing Undas:


1. HALLOWEEN PARTY. ‘Yung tipong, may mga batang nagti-trick or treat sa bahay-bahay. Pabonggahan pa nga ng costume ang ilan. Maging ang mga museum, mall, restaurant, opisina atbp., ay nagpa-participate rin sa pagde-decorate ng Halloween motif.


2. PURO NAKAKATAKOT ANG PALABAS. Halos isang buong linggo na puro katatakutan ang mga palabas na ineere sa TV. May mga pagkakataon pa ngang nagpapataasan ng ratings ang ilang magkalabang TV networks para lamang makapag-ere ng pinakanakakatakot na palabas taon-taon.


3. NAGTITIRIK NG KANDILA. Tuwing Undas daw ay nagko-collide ang mundo ng mga buhay at patay, at naipapakita natin sa pamamagitan ng pagtitirik ng kandila ang pagrespeto sa mga yumaong kaluluwa. Sa paraang ito ay hindi nila tayo gagambalain.


4. DUMADALAW SA SEMENTERYO. Mainam na ikaw ang dumalaw sa mga patay kung ayaw mong ikaw ang dalawin nila. Sa sementeryo madalas nangyayari ang family reunion, kaya magandang pagkakataon din ito para maka-bonding mo ang mga kamag-anak na minsan mo lang makita.


5. MAY DAGDAG-SAHOD. Dahil idineklarang special holiday ang November 1 at 2, malaking tulong talaga sa mga empleyado ang dagdag-sahod na 30%. Kumbaga, pumasok ka man o hindi sa trabaho ay may sahod ka pa rin.


Nakakatuwang isipin na kahit gaano tayo ka-busy sa buhay ay hindi pa rin natin nakakaligtaang gunitain ang Undas. Nagagawa pa rin nating maglaan ng oras upang makapunta sa sementeryo para maipagtirik ng kandila ang mga yumao nating mahal sa buhay.


Sa oras na tayo naman ang yumao, sana ay hindi rin nila tayo makalimutan.


Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page