Huwag pasaway sa paputok
- BULGAR

- 6 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 27, 2025

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 28 bilang ng firework-related injuries (FWRI) sa buong bansa sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Sa abiso nitong Pasko, nabatid na mula Disyembre 21 hanggang 25 ay may naitala silang walong bagong kaso ng FWRI.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay 50% na mas mababa kumpara sa 58 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2024.
Batay sa datos, natukoy na 68% ng mga biktima ngayong taon ay nasa edad 19 pababa.
Taun-taon, may nasusugatan at napipinsala dahil sa kawalan ng disiplina at pag-iingat sa paggamit nito. Paulit-ulit na ang paalala, pero paulit-ulit din ang aksidente.
Ang paputok ay delikado. Isang maling sindi, hawak, o pagbili ng ilegal na paputok ay maaaring magdulot ng paso, pagkaputol ng daliri, o mas malalang pinsala. Madalas, mga bata ang biktima dahil pinapayagang magpaputok nang walang gabay.
Responsibilidad ng mga magulang at nakatatanda na pigilan ito. Kailangan din ng malinaw na pagbabawal at mahigpit na pagbabantay. Kung hindi kayang maging responsable, huwag na lang gumamit ng paputok.
Mas mahalaga ang kaligtasan kaysa ilang minutong ingay at liwanag.






Comments