Huwag magpadaig sa COVID
@Editorial | January 07, 2022
“Tuloy ang halalan, hindi tayo made-delay.”
Muling ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na maipagpapaliban ang pagdaraos ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022 dahil sa dinaranas na COVID-19 pandemic sa bansa.
Iginiit ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi kailanman magiging opsiyon o dahilan ang pandemya para hindi matuloy ang halalan.
Tugon ito sa panawagan ng isang grupo na aksiyunan ng poll body ang kanilang petisyon noong Disyembre 20, 2021 para sa kanselasyon ng halalan ngayong taon at sa halip ay isagawa ito sa Mayo 9, 2025 dahil sa pandemya.
Bukod sa labag ito sa Konstitusyon, wala umanong nakikitang dahilan ang Comelec para ipagpaliban ang halalan. Maliban na lang kung pagtitibayin ng batas.
Malinaw na nakasaad sa Konstitusyon ang pagdaraos ng regular na halalan.
Dahil sa mga probisyon ng batas, hindi maaaring ikansela ang Eleksiyon 2022 kompara sa halalan sa barangay.
Kaugnay nito, may mga nananawagan na tigilan na umano ang paggamit sa pandemya sa pamumulitika.
Huwag umanong ilagay sa alanganin ang pagboto dahil makapagdudulot lang ito ng kaguluhan.
Panahon na para labanan ang COVID-19, tayo ang dapat na kumontrol sa sitwasyon at hindi ‘yung tayo ang nagpapadala o natatakot sa banta nito.
Maraming bansa ang nagawang mamuhay nang normal sa kabila ng banta ng virus.
Napatunayan na nilang hindi mahahadlangan ng COVID ang pangarap ng bawat pamilya na maging malaya.



Comments