Hubo’t hubad, pahiwatig na takot matukso ang mister
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 19, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Maricel ng Batangas.
Dear Maestra,
Ito ang dati kong panaginip: Bigla ko na lang malalaman na wala akong suot na damit, kumbaga, hubo’t hubad ako, kaya bigla akong nagtatakbo pauwi ng bahay.
Tapos, may isa pa akong panaginip kung saan nasa bakuran ako na may halaman, tapos nakakita ako ng mga pera na barya. Habang naghahanap ako at nagbubungkal ng lupa gamit ang mga kamay ko, lalo pang dumami ‘yung nakikita kong mga barya, kaya marami akong nahukay na pera. Ano ang ibig sabihin nito? Maraming salamat!
Naghihintay,
Maricel
Sa iyo, Maricel,
Ang iyong panaginip na ikaw ay hubo’t hubad ay nagpapahiwatig na noon ay marami kang ipinag-aalala sa buhay. Hindi mapanatag ang iyong isipan, lalo na kung tungkol sa iyong kabiyak sa buhay. Marahil ay nasa malayo siyang lugar, kaya palagi kang nag-aalala na matukso siya sa ibang babae at palitan ka na niya.
Pero noon ‘yun dahil ngayon ay panatag na ang iyong isipan. Madalas na kasi kayong magkausap ng mister mo sa pamamagitan ng video call. Tama ‘yan at ganyan nga ang gawin mo. Huwag mong bigyan ng pagkakataon na hindi makipag-communicate ang asawa mo na nagtatrabaho sa malayo.
Alalahanin mo, communication gap ang nagiging sanhi ng pagiging matabang sa isa’t isa ng mag-asawa hanggang sa tuluyan nang maagaw ng iba, kaya huwag mong hayaang mangyari ito.
Tungkol naman sa panaginip mong ikaw ay nasa bakuran na may halaman kung saan nakakita ka ng maraming barya o pera at habang binubungkal mo ay lalo pang dumami, ito ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at pagpapala na manggagaling sa iyong pagsusumikap na palaguin ang maliit mong pinagkakakitaan. Dahil dito, lalago ang negosyo mo at makaiisip ka pa ng dagdag na negosyo na siyang magbibigay sa iyo ng malaking kita. Gayundin, luluwag na ang buhay mo, kumbaga, uunlad at lalago ang kabuhayan n’yo.
Sinasabi rin ng panaginip mo na ang dagdag na negosyong naisip mo ay may malaking maitutulong sa panahon ngayon na ang mga tao ay nahihirapang makipagtalastasan sa kanilang mga katransaksiyon sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sinasabi rin na magiging suwerte ka sa iyong mga anak dahil magbibigay sila ng karangalan sa inyong pamilya at ipagbubunyi ng inyong mga kamag-anak at buong angkan.
Hanggang dito na lang, nawa’y nabigyan kita ng kasiyahan sa aking pag-aanalisa sa panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments