Hirap sa pagdumi, madaling mapagod, panghihina at iba pa… Mga senyales ng kulang sa Potassium
- BULGAR
- Nov 18, 2021
- 3 min read
ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 18, 2021

Dear Doc Erwin,
Ako ay barbero, may asawa at anak, at mahigit 30 years old na. Kamakailan, nagpatingin ako sa doktor dahil sa madalas na pagkahilo. Mayroon umano akong Borderline Hypertension at pinayuhan akong kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa Potassium.
Ano ba ang Potassium? At ano ang kinalaman nito sa aking blood pressure? Maaari ba kong uminom ng Potassium supplements para bumaba ang aking blood pressure? – Andrew J.
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Potassium ay essential nutrient na mahalaga sa pangangalaga ng ating kalusugan.
Ito ay kailangan ng ating katawan para maging normal ang function ng ating mga cells, muscles at nerves, gayundin ang pagtibok ng puso.
Ang mga pagkaing tulad ng prutas, gulay at nuts, pagkain kasama sa Paleolithic (Paleo) Diet ay mayaman sa Potassium.
Ayon sa DASH Trial, isang pag-aaral kung saan pinag-aralan ang epekto ng pagkain sa hypertension (mataas na blood pressure), nakitaan ng pagbaba ng blood pressure ang indibidwal na kumakain ng kombinasyon ng prutas at gulay, pagkaing mayaman sa Potassium.
Noong 2019, dahil sa importansiya ng Potassium sa ating kalusugan ay nag-set ang expert committee ng National Academies of Sciences, Engineering, and Medicine (NASEM) ng Amerika ng Adequate Intake (AI) level para sa Potassium. Mula sa edad 19, ang Adequate Intake level ng Potassium ay 3,400 milligrams para sa kalalakihan at 2,600 milligrams naman para sa kababaihan. Ang Adequate Intake level ng Potassium para sa nagbubuntis ay 2,900 milligrams at sa nagpapasuso ay 2,800 milligrams.
Kung hindi makamit ang Adequate Intake (AI) level para sa Potassium ay maaaring magkaroon ng Potassium Deficiency kung saan makakaapekto ito sa iyong kalusugan, tulad ng maaaring pagtaas ng blood pressure at pagkakaroon ng kidney stones.
Ang mga unang senyales ng kulang sa Potassium ay ang hirap sa pagdumi (constipation), madaling mapagod (fatigue), panghihina at pagsama ng pakiramdam.
Kung magpapatuloy ang kakulangan sa Potassium ay maaaring makaranas ng madalas na pag-ihi (polyuria), pagtaas ng blood sugar (glucose intolerance), panghihina, hirap sa paghinga at irregular na pagtibok ng puso. Kinakailangang sumangguni agad sa doktor kung makararanas ng mga sintomas.
Mas makabubuti sa kalusugan na makamit ang Adequate Intake level para sa Potassium mula sa pagkain. Ayon sa mga pag-aaral na nabanggit natin, makatutulong ang Potassium sa pagbaba ng blood pressure. Ito ang dahilan kaya iminungkahi ng iyong doktor ang pagkain ng mga prutas at gulay na mayaman sa Potassium upang makatulong sa iyong Borderline Hypertension.
Makatutulong din ito sa pag-iwas sa sakit sa puso at sa stroke.
Anong mga pagkain ang mayaman sa Potassium? Ang Apricots ay isa sa mga pagkaing may pinakamataas ng Potassium, kasunod ng lentils, prunes, raisins at squash. Ganun din ang apple, patatas, kamatis at saging.
Ang gulay na spinach, lettuce at broccoli ay mayaman din Potassium. Maaari bang uminom ng Potassium supplement? Ang sagot dito ay maaari, ngunit kinakailangan na muling sumangguni sa doktor upang alamin kung ang pag-inom ng Potassium supplement ay kailangan, ano’ng klaseng Potassium supplement preparation, ang tamang dosage nito at upang mabantayan ang iyong kalusugan.
Kung sakaling magdesisyong uminom ng Potassium supplement, tandaan na ito’y maaaring makaapekto sa mga gamot na iniinom, tulad ng mga gamot sa high blood pressure (Ace inhibitors, Angiotensin receptor blockers), mga potassium sparing diuretics, loop at thiazide diuretics.
Sana ay nasagot ng artikulo natin ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com





Comments