ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 21, 2024
Dear Sister Isabel,
Hindi ko sukat akalain na magkakaproblema rin pala ako, at sa tingin ko ay kayo lamang ang makakapagbigay ng payo sa akin upang gumaan kahit papaano ang kalooban ko.
Nabibilang ako sa mahirap na angkan. Ulila na ako sa ama kaya hirap na hirap ang ina kong itaguyod kaming apat na magkakapatid.
Panganay ako sa amin, at gusto ko sanang mangibang-bansa para lumuwag-luwag naman ang buhay namin, ngunit ayaw naman ng nanay ko. Maghanap na lang umano ako ng magandang trabaho rito sa Pilipinas. Highschool lang ang natapos ko, kaya wala akong makitang magandang trabaho na may malaking suweldo rito.
Kaya naman nag-apply akong Domestic Helper sa Saudi. Mabilis ang mga pangyayari, at natanggap agad ako. Ang problema ay ayaw pumayag ng aking ina, kahit ready na ang visa at anumang oras ay puwede na akong i-book ng ticket ng magiging employer ko.
Ano ang gagawin ko? Sister Isabel, dapat ko bang ituloy ang pagtatrabaho sa abroad kahit na tutol ang nanay ko?
Nagpapasalamat,
Linda ng Taguig
Sa iyo, Linda,
Hindi mo maiaalis sa nanay mo na pigilan kang mag-abroad lalo na kung sa Saudi ka magtatrabaho, pero kung legal naman ang pag-alis mo, kumpleto ang dokumento mo, at nakakasiguro kang mabait ang magiging employer mo ay tumuloy ka.
Kausapin mo nang malumanay ang nanay mo at ipaliwanag nang mabuti na mabait ang magiging employer mo. Sapat na iyon para makaahon kayo sa kahirapan. Sabihin mo rin na legal lahat ang dokumento mo, kaya walang problema kung matutuloy ka sa abroad.
Sa palagay ko, makukuha mo rin sa magandang salita ang nanay mo. Mauunawaan niya na para naman sa kabutihan n’yo ang gagawin mo, at para ‘di na rin siya mahirapang kumayod nang husto para sa inyong magkakapatid.
Ikaw na ang umako, at magsumikap upang umasenso kayo sa buhay. Natitiyak kong papayag na ang nanay mo kung maipapaliwanag mo nang maayos ang side mo.
Hangad ko na nawa mahango mo na sa hirap ang pamilya n’yo. Pagpalain ka nawa ng Diyos sa tatahakin mong landas tungo sa pag-unlad. Iligtas ka nawa sa lahat ng panganib at kapahamakan, at sana matupad mo nawa ang lahat ng iyong pangarap.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments