Hinaing ng mga estudyante, guro at magulang sa distance learning, pakinggan at pag-aralan
- BULGAR

- Feb 3, 2021
- 1 min read
@Editorial | February 3, 2021
Matapos manindigan ng Department of Education (DepEd) na hindi puwedeng pasado lahat dahil sa pandemic, may ilang guro ang nagpahayag ng kanilang saloobin kaugnay ng mga problemang dinaranas sa distance learning.
Unang-una na umano ang attendance, kung saan mas mababa pa sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga estudyante ang nakakapagklase dahil sa problema sa internet. ‘Yung iba ay halos walang pang-load, habang ang iba ay nakukunsumi sa naglolokong connection.
Talagang may problema sa class attendance at participation ngayong distance learning.
Kumbaga, ‘pag hindi pumasok ang bata, hindi nakapagpasa ng module at iba pang academic requirements, talagang dapat itong gawan ng paraan ng titser.
Ang simpleng attendance ay napakalaking bagay sa kabuuan ng pag-aaral. Kung walang paramdam ang estudyante, paano masisigurong may natututunan ito?
Kaya dapat lang na i-assess ng DepEd kung talagang maayos ang daloy ng distance learning.
May mga ulat na ilang bata ang halos ilang buwan nang absent. Ilan sa mga dahilan ay walang pang-online class, hindi maunawaan ang module, may mga hindi inaasahang sitwasyon sa tahanan tulad ng pagkakasakit ng mga magulang na sila ang kailangang mag-alaga, habang meron ding napipilitan nang rumaket pandagdag sa budget ng mag-anak. Hanggang sa magpasaya na lang ang iba na huminto at sa susunod na school year na lang papasok.
Sana ay tugunan ng ahensiya ang mga isyung ito. Pakinggan ang hinaing ng mga estudyante, guro at maging ng mga magulang.
Madaling ipakita na may numero o datos na nagsasabing kaya namang sabayan ang distance learning, pero ano nga ba ang aktuwal na sitwasyon?


Comments