Health benefits ng Pomegranate
- BULGAR
- Jul 24, 2021
- 3 min read
ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 24, 2021

Dear Doc Erwin,
Napanood ko sa telebisyon ang doktor na nagpapaliwanag tungkol sa supplement na Pomegranate. Makabubuti raw ito sa kalusugan natin. Ang ibang paliwanag ay hindi ko na naintindihan. Maaari bang talakayin ninyo kung ano ang Pomegranate at ano ang maitutulong nito sa kalusugan? – Susan B.
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ang Pomegranate ay prutas na tumutubo sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tulad ng west Asia, America at Mediterranean. Ito ay makikita sa Italy, Spain, China, India, Israel, Tunisia, Turkey at United Sates of America kung saan ito ay tinatawag sa maraming pangalan, tulad ng Granada, Ruby Red, Akanar, Rosh Hapered at Arabi.
Ayon sa research article na inilathala noong January 2020 sa scientific journal na Foods, nakita sa mga archaeological evidence na ito ay nagmula sa Middle East at ikinalata ito ng mga missionaries at manglalakbay sa Mediterranean region, Amerika at Mexico.
Ayon sa review article na nabanggit, ito ay mayaman sa bioactive compounds na may antioxidant, anti-inflammatory at antihypertensive effects.
Ayon sa scientific laboratory studies sa pananaliksik na binanggit at sa pag-aaral na may titulong Potent Health Effects of Pomegranate na inilathala noong 2014 sa scientific journal na Advanced Biomedical Research ay mayroon itong prebiotic effect at antimicrobial activity. Ibig sabihin, nakatutulong ito upang mabuhay ang mga “good bacteria” at mawala naman ang mga “bad bacteria” sa intestines. Dahil dito ay maiiwasan ang madaling pagkakasakit.
Mayroon din itong anti-cancer effect laban sa iba’t ibang cancer — sa prostate, kidney at thyroid. Nakitaan din ng kakayahan pigilan ang paglaki o pagdami (anti-proliferative effect) ng mga cancer cells laban sa lung, breast at cervical cancer. Ito ang dahilan kaya inirerekomenda itong gamitin bilang “dietary adjunct” sa paggamot sa cancer. Nakitaan din ng paglaban sa pagkalat ng cancer (antimetastatic effect) ang Promeganate.
Nakatutulong din ito upang pangalagaan ang ating balat laban sa masamang epekto ng ultraviolet rays galing sa sikat ng araw. Dahil sa ellagic acid at punicalagin substances na nilalaman ng Promeganate pinipigil nito ang pag-ipon ng taba sa katawan kaya makatutulong ito bilang “functional food” upang maiwasan o malabanan ang sakit na diabetes at obesity.
Dahil sa substance na ellagitannins ay maiiwasan ang masyadong pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain, kaya malaking tulong ang Pomegranate sa mga taong may Type II diabetes.
Iminungkahi na rin ang paggamit nito as nutritional strategy sa sakit na Alzheimer’s disease. Nakita sa mga pananaliksik na ang punicalagin at urolithins na nasa Pomegranate ay nakakatulong upang mapabagal ang paglala ng sakit at maiwasan ang pagkamalimutin ng taong may Alzheimer’s disease.
Ang Pomegranate extracts na galing sa balat at prutas nito ay makatutulong din sa paggamot ng osteoporosis.
Ginagamit din ito ng mga dentista upang mapanatili ang dental health ng kanilang pasyente. Makatutulong ito upang maiwasan ng pagkasira ng ngipin. Marami pang health benefits mula sa Pomegranate ang nakita sa mga in vitro studies, tulad ng epekto nito upang maiwasan at paggamot sa infection at sakit sa balat, tulad ng allergic contact dermatitis.
Sa mga clinical studies sa mga pasyenteng maysakit ng Type II diabetes ay nakatulong ang pag-inom ng Pomegranate juice sa pagbaba ng systolic at diastolic blood pressure. Ang Pomegranate seed oil naman ay nakapagpababa ng fasting blood sugar.
Ang pag-inom ng Pomegranate fruit extract ng mga pasyenteng overweight at obese ay nakatulong upang mapababa ang timbang at mapababa ang kanilang blood sugar, total cholesterol, at LDL o “bad” cholesterol. Nakatulong din ito upang tumaas ang tinatawag na “good” cholesterol (HDL) ng mga pasyente.
Nakita rin sa pananaliksik na sa mga pasyenteng nagda-dialysis ay nakatutulong ang Pomegranate juice upang mag-improve ang blood pressure, bumaba ang triglycerides, tumaas ang “good” cholesterol (HDL) at lumakas ang pangangatawan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


Comments