Hangga't bulok ang sistema, may fixer
- BULGAR

- 3 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | January 17, 2026

Ipinagmamalaki ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakaaresto sa 39 fixers matapos ang isinagawang one-time big-time operation sa Central Office at sa mga tanggapan sa San Juan, Maynila, Novaliches, at Pasay.
Gayunman, may ibang nagsasabi na mas mahalaga ring tukuyin kung ano nga ba ang dahilan kung bakit may malalakas pa rin ang loob at pinapasok ang pagiging fixer.
Maaaring dahil may ilang tanggapan na mabagal ang proseso, mahaba ang pila, at magulo ang patakaran.
Tipong isang simpleng lisensya o rehistro pero, inaabot ng buong araw—minsan ilang balik pa.
Sa ganitong sitwasyon, ang fixer ay hindi lang tukso, kundi nagiging alternatibo para sa pagod at desperadong mamamayan.
Ang mas masakit na katotohanan: hindi kikilos ang fixer kung walang kakampi sa loob. May mga empleyadong nakikinabang, tahimik man o lantaran. Kaya’t paulit-ulit ang hulihan, pero hindi nauubos. Maliit na isda ang nahuhuli; ang malalaking isda, nananatiling ligtas.
Dagdag pa rito ang kakulangan ng malinaw na impormasyon na kapag nalilito ang tao, lalapit na lang sa fixer.
Kung seryoso ang pamahalaan, malinaw ang dapat gawin: ayusin ang proseso, bilisan ang serbisyo, at panagutin ang mga taga-loob.
Hindi sapat ang karatulang “No to Fixers” kung ang sistema mismo ang nagtutulak sa tao na maghanap ng fixer.






Comments