top of page
Search
  • BULGAR

Hamon sa PNP, utak ng droga, ilantad sa publiko

by Info @Editorial | August 13, 2024



Editorial


Mula noon hanggang ngayon, problema pa rin ang talamak na ilegal na droga.

Bumabaha ng shabu, party drugs at iba pang ipinagbabawal na gamot.


Kasabay nito ang pagtaas ng krimen tulad ng pagnanakaw, pang-aabuso at pagpatay. Sinasabing karamihan ng mga salarin ay nasa impluwensiya ng droga.


Iba-ibang giyera na rin ang ginamit ng pamahalaan para mapigilan ang paglaganap ng drugs subalit, tila hindi natitinag ang mga drug lord na para bang mas pinatatatag ng mga protektor na sinasabing nasa bakuran mismo ng gobyerno.


At kung naging kontrobersiyal at maingay ang war on drugs noong nakaraang administrasyon, may mga nagsasabi na parang tahimik naman ngayon.


Hanggang sa maglabas na ng pahayag ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP). Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, sa halip na mga tulak at adik ng droga, ang tatargetin umano ng PNP ay ang mga pinanggagalingan at supplier ng illegal drugs sa bansa.


Sa pamamagitan ng nasabing strategy, inaasahan umanong mababawasan ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga street-level pusher at user.


Mas nakapokus umano sila sa utak ng bentahan ng malalaking bulto ng ilegal na droga.

Naniniwala ang PNP chief na mas epektibo ang bagong estratehiya dahil mahalaga ang buhay ng tao at ang street-level pushers at users ay biktima lamang ng pagkakataon.


Dahil dito, mabigat naman ang hamon ng publiko sa sinasabing “bloodless” campaign laban sa illegal drugs, patunayan ng gobyerno na talagang tatargetin ang utak at mga drug lord. Ilantad sa publiko at patawan ng mabigat na parusa. 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page