Halos wala nang makain, nagsusugal pa, tsk!
@Editorial | June 13, 2022
Sa kabila ng pag-aray sa taas-presyo, may mga kababayan tayong nakukuha pa ring magsugal. Sa halip na ipambili ng pagkain para sa pamilya, itataya pa.
Kaugnay ng patuloy na paglaganap ng illegal gambling, inatasan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na maging agresibo sa kampanya laban sa mga ito.
Kabilang na ang mga ilegal na peryahan na nag-o-operate sa iba’t ibang lugar sa bansa at nagpapasugal. Kung saan magpapatupad din ng “one strike policy” sa mga police commander na mapatutunayang nagpapabaya sa trabaho at nakikipagsabwatan pa sa mga operator. Base sa monitoring ng PNP, lumalabas na ang CALABARZON ang rehiyon sa bansa na may maraming ilegal na peryahan. Kaya sa mga opisyal d’yan, galaw-galaw.
Samantala, isa pa sa nauusong sugal ngayon ay ang online sabong ng mga gagamba, na ang iba ay umaabot pa umano sa daan-daang libong piso ang pustahan. At mga panlabang gagamba, pinapainom pa ng bitamina at steroids. Babala ng PNP, ilegal ang spider derby.
Lahat ng laro basta may pustahan, itinuturing na illegal gambling sa ilalim ng PD 1602. At lahat ng mahuhuli na sangkot sa ilegal na sugal ay may kahaharaping kaso.
Sa sugal, manalo ka man, mas lamang pa rin ang talo. Kapag tuluyan nang naadik at nalubog sa utang, d’yan na papasok ang gulo hanggang sa masira ang buhay at damay pati pamilya.
Kaya bago tumaya, isipin munang mabuti, handa ka ba sa lahat ng posibilidad? Handa ka bang maubos at mawasak ng sugal?



Comments