Gustong patulan ang kapitbahay na nagkalat ng mga sikreto
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 21, 2022
Dear Sister Isabel,
Bihira akong bumili ng dyaryo at nang naisipan kong bumili, nakita ko ang inyong kolum at nasiyahan akong basahin ito dahil maganda ang payo n’yo sa sumangguni sa inyo sa isyung ‘yun. Mula noon, madalas na akong bumibili ng dyaryo dahil mahilig akong magbasa ng mga kuwento, lalo na ‘pag tungkol sa love life, pero hindi tungkol sa pag-ibig ang isasangguni ko ngayon.
Ito ay tungkol sa kapitbahay ko na naging best friend ko na rin. Lahat ng problema ko ay sinasabi ko sa kanya dahil akala ko ay mapagkakatiwalaan siya, pero hindi pala dahil ipinagkakalat niya ang sikreto ko sa iba pa naming kaibigan.
Gusto ko na siyang sugurin, pero nagtimpi ako. Naisip ko kasi na hindi ako dapat bumaba sa level niya, kaya hindi ko siya pinatulan. Sa halip, pinagsabihan ko siya na itigil ang pagsisiwalat ng mga sikreto na ipinagkatiwala ko sa kanya. Nagkaila siya at sinabing hindi niya magagawa ‘yun sa akin.
Minabuti kong putulin ang pakikipagkaibigan sa kanya, subalit isang araw ay gumawa na naman siya ng malaking tsismis laban sa akin. Gusto ko na talaga siyang sugurin, pero buti na lang, inawat ako ng aking anak.
Sister, ano ang the best na solusyon para matigil ang ginagawa sa akin ng kapitbahay kong ito na itinuring kong kaibigan? Bakit kaya mayroong ganu’ng tao, kaligayahan na ba nilang siraan ang kanilang kapwa? Nawa’y mapayuhan n’yo ako para magbago ang ugali ng kapitbahay kong ito.
Nagpapasalamat,
Laura ng Masbate
Sa iyo, Laura,
Pangkaraniwan na sa magkakapitbahay ang magtsismisan at mainggit sa kapitbahay na nakaaangat sa kanya. Sa sobrang inggit ay ginagaya kung anong meron ang kapitbahay at ayaw matalbugan. Ang masakit pa niyan ay tulad ng ginawa sa iyo, sumobra na sa dapat ikilos at gawin niya.
Ang pinakamaganda r’yan, huwag mo siyang pansinin. Gawin mo lang ang gusto mong gawin at hayaan mong mamatay siya sa inggit dahil siya ang makukunsumi at hindi ikaw. Tama ang ginawa mo na hindi bumaba sa level niya. Magsasawa rin siya at kusang titigil. Alam niya na walang maniniwala sa kanya dahil kilala na sa lugar n’yo ang pagiging tsismosa niya at mapanira ng kapwa.
Gayundin, ipagdasal mo na sana ay hipuin ni Lord ang puso ng kapitbahay mong ‘yan. Ipaisip Niya nawa na maling-mali ang ginagawa niya sa kanyang kapwa. Walang imposible sa Diyos at makikita mo na isang araw ay malaki na ipinagbago niya. Matitigil na rin ang paninira niya sa kapwa.
‘Ika nga, prayer is the key. Dasal ang susi sa lahat ng problema sa mundo. Bawat isa, nakatunghay ang Diyos. Diringgin niya ang sinumang tatawag sa kanya ng buong tiwala at pananalig. Sa kabilang dako, matututo ka na ng leksiyon na hindi dapat ipagkatiwala sa kaibigan ang mga sikreto mo sa buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments