Grade 9 student binugbog ng mga kapwa estudyante
@Balitang Probinsiya | October 28, 2022
AKLAN—Sugatan ang Grade 9 student nang bugbugin ng mga kapwa niya estudyante kamakalawa sa likod ng paaralan sa bayan ng Makato.
Ang biktimang nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ay itinago ng mga awtoridad sa pangalang "Ricky," 14-anyos, residente ng nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, kumakain sa tindahang nasa likod ng hindi pinangalanang eskwelahan ang biktima nang nilapitan at pinagtulungan siyang bugbugin ng mga kapwa niya estudyante.
Matapos ang pambubugbog sa biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek na hindi pinangalanan ng pulisya dahil pawang menor-de-edad.
Ginagamot na sa ospital ang biktima, samantalang pinaghahanap na ng pulisya ang mga suspek upang sampahan ng kasong serious physical injury.



Comments