by Info @Editorial | August 17, 2024
Bakasyon grande na naman ang mga Pinoy.
Ito’y matapos na ilabas ang Proclamation No. 665 na naglilipat ng pag-obserba ng Ninoy Aquino Day sa Agosto 23 mula sa Agosto 21. Isa pang holiday ang naghihintay dahil pumatak naman ng Lunes, Agosto 26, ang National Heroes Day.
Kaugnay nito, kung may mga masaya at excited na sa long weekend, may iba naman na hindi nagustuhan ang paglipat ng holiday.
Ipinunto ni Albay Rep. Edcel Lagman na ang pagkamatay ni Ninoy ay dapat inaalala ng mga Pilipino sa mismong araw ng kanyang pagkamatay.
Tinukoy pa ng mambabatas na ang ginawang paglilipat ng Ninoy Aquino Day, ilang araw bago ang Agosto 21 ay paglabag sa batas. Sa ilalim ng RA No. 9492 o “An Act Rationalizing the Celebration of National Holidays”, ang “movable holidays” ay maaari umanong ilipat ng Pangulo ng bansa, 6 na buwan bago ang naturang holiday.
Halos ganito rin ang reaksyon ng iba na hindi dapat binabago ang paggunita ng mahahalagang pangyayari na bahagi ng kasaysayan.
Nauunawaan natin ang magandang layunin na magkaroon ng panahon ang pamilya na makapag-bonding, makapagpahinga at kasabay nito ang pagsigla ng turismo at ekonomiya. Gayunman, kailangang matiyak na hindi nito malilimot ang kabayanihan at makasaysayang pangyayari na bumuo sa ating pagka-Pilipino.
Comments