Good news sa mga lolo't lola
- BULGAR
- Aug 3, 2022
- 1 min read
@Editorial | August 3, 2022
Ganap nang batas ang panukalang itaas sa P1,000 mula sa P500 ang social pension ng mga indigent o mahihirap na senior citizen kada buwan.
Ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kopya ng liham ng Palasyo upang ipagbigay-alam kay Senate President Juan Miguel Zubiri na nag-‘lapse into law’ ang nasabing panukala noong Hulyo 30.
Pirmado ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang naturang liham mula sa Malacañang.
Maliban sa pagtaas na buwanang social pension, nakasaad sa batas na magkakaroon ng opsyon para maiabot ang pensyon sa mga benepisaryo. Kung mayroon mang transaction fee, hindi ito iaawas sa benepisyaryo.
Matatandaang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala noong Mayo.
Sa panahon ngayon, anumang halaga ay napakalaking tulong na. Malayu-layo na rin ang mararating ng isang libo. Pero plis lang, ang pensyon na para kina lolo’t lola ay huwag na sanang pag-interesan pa. Hayaan nating magamit nila ito sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng pagkain at gamot. Mahabang panahon na nila tayong inalagaan at ibinigay ang ating mga pangangailangan, tayo naman ang magkalinga sa kanila.
Mapalad tayo na sa kabila ng sunud-sunod na problema ay nagagawan pa rin ng paraan na makapagbigay sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan.
Dapat tayong matuwa dahil napupunta sa mabuti ang buwis na ating binabayaran.
Umaasa tayo na mas marami pang batas na kapaki-pakinabang na magawa na magiging susi naman para sa pag-unlad ng ating bayan.



Comments