top of page

Gobyerno, dapat may plano bago, habang at matapos ang bagyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 27, 2024
  • 1 min read

by Info @Editorial | Oct. 27, 2024



Editorial

Tuwing may dumarating na bagyo, isang tanong ang laging bumabalot sa isipan ng taumbayan, handa ba ang gobyerno? 


Sa rami ng mga bagyong nagdaan, iba-ibang karanasan at matinding epekto ang iniiwan ng mga ito. Mula sa pagkawasak ng mga tahanan at kabuhayan hanggang sa pagkawala ng buhay, malinaw na ang paghahanda at mabilis na pagtugon ay napakahalaga.


Bilang isang bansa na madalas tamaan ng mga bagyo, kinakailangan ang masusing pagpaplano ng gobyerno. Dapat magkaroon ng malinaw na sistema ng early warning, kung saan ang mga komunidad ay maabisuhan nang maaga. 


Mahalaga ring bumuo ng evacuation plans at magkaroon na ng permanenteng evacuation centers para hindi na nagagamit ang mga eskwelahan. Kailangan din ang regular na drills upang matutunan ng mga tao kung paano tumugon sa mga emergency.


Sa panahon ng bagyo, ang gobyerno ay dapat na nasa alerto. Ang mga lokal na pamahalaan ay may responsibilidad na ipatupad ang kanilang mga plano. Dapat may sapat na mga rescuer at medical teams na naka-standby para sa mga posibleng pangangailangan. Dapat maging mabilis at epektibo upang masigurong lahat ng apektadong mamamayan ay may access sa pagkain, tubig, at medikal na tulong. 


Sa pagwawakas ng bagyo, hindi nagtatapos ang responsibilidad ng gobyerno. Dapat mayroong malalim na pagsusuri sa mga naging hakbang at pagtugon. Ang mga apektadong komunidad ay dapat tulungan sa kanilang pagbangon sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan at rehabilitasyon. 


Ang paghahanda, mabilis na pagtugon, at rehabilitasyon ay hindi dapat balewalain. 

Nararapat lamang na ang gobyerno ay may konkretong plano at agarang aksyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page