Girlfriend, pampasuwerte ng binatang feeling malas sa buhay
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 27, 2022
Dear Maestro,
Ako ay Taong Uno dahil ang birthday ko ay January 1, 1995. Pero nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay wala pa ring suwerteng dumarating sa aking buhay, samantalang nabasa ko sa inyong mga artikulo na ang Taong Uno ay likas na suwerte.
Sa ngayon kasi, nag-a-apply ako ng trabaho at marami na akong na-apply-an, pero hindi pa rin ako natatanggap. Kailan ako susuwertehin sa career at magkakaroon ng regular na trabaho?
Sa pag-ibig naman, sa edad kong 27, dalawang beses na akong nagka-girlfriend, pero wala namang nagtagal at nauwi lang sa hiwalayan. Kailan ako magkaka-girlfriend nang seryoso at pangmatagalan?
Umaasa,
Rod ng Turo, Bocaue, Bulacan
Dear Rod,
Kadalasan, kapag ang suwerte ay dumarating sa isang tao, sunod-sunod na ‘yan. Halimbawa, nagka-girlfriend ka at ka-compatible mo siya, ang kasunod niyan ay marami pang suwerte, tulad ng magkakaroon ka ng regular at magandang trabaho at darating din ang mga hinihintay mong suwerte na hindi pa dumarating.
Kapag kasi nakasama o nakarelasyon mo ang taong suwerte sa buhay mo, tulad ng naipaliwanag na, maraming biyaya at magagandang bagay ang kusang ipagkakaloob sa iyo ng tadhana.
Ganundin ang prinsipyo kapag sinasabi ng matatanda na sinusuwerte ang mga mag-asawang bagong kasal. Dahil ang dating kulang sa buhay ng binata o dalaga ay nakumpleto nang siya ay nag-asawa. At sa sandaling nakumpleto ang buhay ng isang tao, kusa niyang nahihigop ang iba’t ibang suwerte at magagandang kapalaran.
Tulad din nito ang paniniwala na suwerte ang isang babaeng nagbubuntis dahil sa kanyang pagbubuntis, nakukumpleto ang kanyang pagkatao. Kaya sabi ng ilan, ang pagbubuntis ang isa sa pinakamasayang sandali sa buhay ng isang babae dahil napapatunayan niyang siya ay ganap na babae. Kumbaga sa punong-kahoy, nagkabunga na siya, kusa ngayong mahihigop ng kanyang pagkatao ang iba’t ibang suwerte o positibong kapalarang inilaan sa kanya ng Dakilang Katalagahan.
Kaya mapapansin mo, karamihan sa mga yumayaman ay ang mga may asawa na at kapag patuloy na nag-partner, maaaring sa negosyo at patuloy silang nagmahalan, lalo silang sinusuwerte at yumayaman.
Kaya ang the best na advice para sa iyo, Rod, para suwertehin ka, hindi lang sa career kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, sa edad mong 27 pataas, sikapin mo munang magka-girlfriend na ka-compatible mo, na kukumpleto sa iyong buhay.
Bukod sa katotohanang ang girlfriend ang kukumpleto sa iyong buhay, siya rin ang magiging inspirasyon mo upang lalo kang magsipag sa paghahanap ng trabaho, siya rin ang magiging taga-aliw mo sa panahong ikaw ay namumroblema at nalulungkot, siya rin ang magsisilbing pampalakas ng iyong loob sa panahong ikaw ay pinanghihinaan at nawawalan ng tiwala sa iyong sarili.
Gayunman, hindi basta-basta girlfriend ang kailangan mo. Bagkus, dapat ka-compatible mo siya, kung saan ayon sa zodiac sign mong Capricorn, ang mga babaeng ka-compatible mo ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Taurus, Virgo, Cancer at kapwa mo Capricorn, higit lalo silang mga isinilang sa birth date na 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29. At tulad ng nasabi na, sa sandaling nagkaroon ka na ng girlfriend na ganyan ang birth date at zodiac sign, sigurado na ang magaganap— kusang darating sa iyo ang lahat ng suwerte at magagandang kapalaran na ipinapangako sa mga Taong Uno.
Nakatakda itong mangyari, ayon sa Decadens ng Kapalaran sa taong 2024, sa edad mong 29 pataas. Sa nasabing panahon, basta nagka-girlfriend ka na ngayon, magkakaroon ka na ng regular na trabaho at marami pang kakaibang suwerte na hindi mo inaasahan ang kusa at tuloy-tuloy nang darating sa iyong buhay.




Comments