Gayuma (32)
- BULGAR
- Jan 24, 2024
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 23, 2024

Sumakit ang katawan ni Princess, lalo na ang kanyang kamay at mga paa. Bigla niyang naalala na itinali nga pala siya roon habang pumapasok sa kanyang isipan ang hitsura ni Baninay. Nang mapatingin siya sa salamin, naningkit ang kanyang mga mata. Iyon din kasi ang hitsura niya ngayon.
Gusto sana niyang umiyak, pero hindi niya magawa. Naisip niya kasi na hindi naman maibabalik sa dati ang kanyang hitsura kung sasayangin lang niya ang kanyang luha.
Ang kailangan niya ay makaisip ng solusyon. Hindi naman kasi normal ang pinagdaraanan niya kaya dapat bawat desisyon na gawin niya ay may kaakibat na pag-iingat.
Bata pa lamang si Baninay, alam niya nang may kakaiba rito. Ramdam niya ‘yun sa tuwing tumititig ito kay Gabriel. Gayunman, ni minsan ay hindi niya nag-isip na komprontahin ito.
Una, ayaw niyang lumabas na kontrabida sa paningin ninuman. Hindi naman kasi masama kung may paghanga ito kay Gabriel. Natural lang na hangaan nito ang kanyang nobyo na talaga namang napakaguwapo. Pangalawa, may takot siyang nararamdaman kay Baninay, sa tuwing tinitingnan siya nito. Kung may kakayahan nga lang siguro itong magbato ng punyal sa pamamagitan ng pagtitig ay ginawa na nito.
Ngunit, hindi siya dapat na magpadala sa kanyang negatibong nararamdaman. Ang kailangan niyang isipin palagi ay mahal niya si Gabriel kaya hindi siya gagawa ng anumang bagay na maaaring maging daan para sila’y magkahiwalay.
“Maligayang pagbabalik,” wika ng matandang lalaki na kanyang nasalubong.
“Hindi ko gustong pumunta rito,” wika niyang biglang kinabahan. Naalala kasi niya bigla ang transaksyon na ginawa niya rito.
Kumunot ang kanyang noo nito, at sabay sabing, “bakit ka narito?”
“Hindi ko rin alam. Ang gusto ko lang ay makauwi na ako.”
“Isa na namang kahilingan mo ang tutuparin ko.”
“Alam ko. Ngunit, kailangan ko itong gamitin. Anyway, may isa pa naman akong kahilingan na natitira bago mo tuparin ang ikalawa kong kahilingan na makauwi kay Gabriel.”
Itutuloy…








Comments