top of page

Galing pa sa kanunu-nunuan… Binata, gustong makuha ang hidden treasure sa minanang bahay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 30, 2023


Dear Sister Isabel,


Bago ko umpisahan ang aking problema, nais ko munang batiin kayo ng isang mapayapa at masaganang araw. Nawa’y lagi kayong ligtas sa anumang uri ng kapahamakan.


Ang problema ko ay tungkol sa lumang bahay namin na minana ng mother ko sa kanunu-nunuan niya at ito na rin ang minana ko sa mother ko.


Lumang-luma na talaga ito, may nararamdaman ako ritong kakaiba at may naririnig din akong boses ngunit ayaw akong paniwalaan ng mga kapatid ko, guni-guni ko lamang umano ‘yun.


Noong unang panahon ay chapel daw ito, may treasure raw na nakabaon dito. At ramdam ko na totoo ‘yun, kaya pinasuri ko ang bahay sa isang may kaalaman at confirm may treasure nga!


Ang malaking katanungan ngayon ay paano ko ito makukuha?


Ang problema ay walang naniniwala sa akin, at nababaliw na raw siguro ako. Gusto ko kasing iparenovate ang bahay na ‘to at gawin ding house of prayer. Wala naman akong malaking pera para mapaganda muli ang ancestral house na minana ko sa mother ko, kaya gusto ko sanang makuha ‘yung kayaman na nakabaon dito.


Ano kaya ang gagawin ko para makumbinsi ko ang mga kapatid ko na subukan namin kunin ‘yung treasure? Nawa’y matulungan n’yo ako sa problema ko.

Nagpapasalamat,

Paul ng Tarlac

Sa iyo, Paul,


Huwag ka nang makipagsapalaran sa treasure o kayamanan na nakabaon d’yan sa ancestral house n’yo. Magiging mitsa lang ito ng buhay mo o buhay ng mga kapatid mo na tutulong sa iyo sa paghuhukay kung sakali mang paniwalaan ka nila. Ang ibig kong sabihin, mapapahamak lang kayo kung sakaling mayro’n nga. Ang alam ko tungkol d’yan ay may nagbabantay na espiritu. May kailangang magbuwis ng buhay bago makuha ang treasure.


Kailangan din ng matinding ritwal para makuha ang treasure. Huwag ka na lang makipagsapalaran kung ang kapalit naman nito ay sarili mong buhay.


Samantala, puwede mo namang ipagawa ang ancestral house n’yo sa natural na paraan.


Maghousing loan ka o kaya mag-ipon ka. Unti-unti mo itong ipagawa kung maliit pa lang ang iyong pera. Huwag mong biglain ang pagpapagawa kung hindi pa kaya ng budget mo. Mairaraos mo rin ‘yan, kalimutan mo na ang tungkol sa treasure na ‘yan. Malamang sa malamang masira pa ang ulo mo kung ‘yan ang lagi mong iisipin.


Mamuhay ka ng normal, maghanapbuhay ka ayon sa iyong kakayahan, at mag-ipon ka upang mapaayos mo ang iyong bahay, magugulat ka na lamang dahil isang araw naipagawa mo na rin ‘yan ayon sa binabalak mo.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page