top of page

Gagamitin sa BSKE.. 7 rehiyon sa bansa, may aktibong private armed groups

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 30, 2023
  • 1 min read

ni Jeff Tumbado | May 30, 2023




Nasa 7 rehiyon sa bansa ang minarkahan ng Philippine National Police (PNP) bilang may aktibo at potensyal na private armed groups (PAGs) na sinasabing gagamitin sa paghahasik ng kaguluhan sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre ngayong taon.


Sa kanyang pulong balitaan, sinabi mismo ni PNP Chief General Benjamin Acorda, Jr., kabilang sa mga rehiyon na kanilang minamanmanan ay ang Ilocos, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Caraga, Cordillera, at Bangsamoro.


“The PNP is also monitoring continuously the activities of 48 private armed groups wherein three of these groups are active and 45 potential PAGs from Region 1, Region 3, Region 5, Region 6, Region 13, Cordillera Administrative Region, and Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao,” pahayag ni Acorda.


Sinabi ng heneral na inatasan na niya ang lahat ng regional directors na nakakasakop sa mga nabanggit na lugar na tiyaking hindi magagamit ang mga grupo sa ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa halalan.


May ilang impormasyon umano silang natatanggap hinggil sa ilang government officials at mga may balak na kumandidato ang nakakaranas ng pagbabanta sa kanilang seguridad.


Kaugnay nito, maaari umanong mag-apply ang mga “concerned officials” ng gun exemption ban o humiling ng karagdagang security personnel sa PNP na may banta sa kanilang buhay.


Nakipagpulong na rin ang PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa koordinasyon at maging sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng usapin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page